ISANG mas malaking nakawan gamit ang makabagong teknolohiya ang nagbabadyang muling maganap matapos ang matagumpay na hacking sa mga savings account ng mga depositor ng Banco De Oro.
Panawagan ni Anakalusugan partylist Rep. Mike Defensor, maagap na pagtunton at pagdakip sa cybercriminals at hackers na tumangay ng hindi bababa sa P350 milyong salaping inilagak ng mga depositor sa paniwalang ligtas ang kanilang pinaghirapan sa nasabing bangko.
Babala pa ng kongresista, hindi dapat balewalain ng pamahalaan ang nasabing insidenteng lubhang ikinagulat nito lamang Disyembre lalo pa’t mas malaki aniya ang idudulot nitong perwisyo sa Philippine banking industry kung hindi madarakip ang mga salarin.
“Was the recent hacking of a bank’s computer system a one-off or a dry run? Were the culprits acting on their own, or were they sponsored by a bigger threat actor,” patutsada ni Defensor.
Hinimok din ng kongresista ang National Bureau of Investigation (NBI) na paspasan ang isinasagawang imbestigasyon para sa agarang pagdakip ng cybercriminals.
Hinala ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), inside job ang illegal fund transfer ng mga deposito patungo sa Union Bank account ng isang Mark Nagoyo.
“Until and unless the suspects are apprehended and interrogated in custody, we may never know their real motives, aside from the cyber theft of a few million pesos,” ani Defensor.
“What is clear is that the hackers succeeded in breaching the defenses of a bank’s computer system, and they now have an idea as to how much time they need to break in and escape with the loot before they are discovered,” pahabol pa niya. (BERNARD TAGUINOD)
