DEKLARASYON NI VP SARA NA TATAKBONG PRESIDENTE, NAGBIGAY TAPANG SA MGA PILIPINO

PUNA ni JOEL O. AMONGO

NGAYON ay lalong dumami ang mga Pilipino na nagpakita ng kanilang tapang upang labanan o kondenahin ang mga nangyayaring korupsyon sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Pakiramdam ng mga Pilipino ay may kakampi na sila ngayon matapos magdeklara at magpakita ng tapang si Vice President Inday Sara Duterte na tatakbo siya sa 2028 presidential election.

Ayon sa pahayag ni VP Sara, tinanggap niya na hindi na niya sarili ang kanyang buhay matapos niyang sabihin na tatakbo siya sa pagkapangulo, dahil inaalay niya ito sa mga Pilipino.

Ang deklarasyong ito ay nagbigay ng pag-asa sa mga Pilipino na may kinabukasan pang maaayos ang Pilipinas sa pamamagitan ni VP Sara Duterte.

Kung marami ang natuwa sa deklarasyon ni VP Sara Duterte ay umani naman ito ng negatibong reaksyon mula sa Palasyo ng Malacañang at maging sa mga nasasangkot sa kontrobersiya sa flood control projects.

Alam nila na kapag naging presidente ni VP Sara pagkatapos sa 2028 presidential election, ay may paglalagyan silang kulungan.

Halos lahat ng mga kakamping mambabatas at matataas na opisyal ng gobyerno ng administrasyon ngayon ay dawit sa katiwalian sa pondo ng gobyerno.

Maraming naniniwala na sinindikato ng mga mambabatas at mga opisyal na ito ang pamahalaan.

Mula sa Commission on Audit (COA), Mababang Kapulungan ng Kongreso, Senado, Department of Budget and Management (DBM), Department of Public Works and Highways (DPWH) ay nabanggit ang ilang mga opisyal sa kontrobersiya sa pondo ng gobyerno.

Ang DBM ang naglalaan ng pondo, ang Kamara, at Senado ang namimili kung saan ilalagay ang pera, ang DPWH ang implementor o naghahanap ng kontratista na gagawa ng mga proyekto, at ang COA naman ang nagbabantay kung tama ang paggamit ng trilyong pisong pera ni Juan dela Cruz.

Kahit isa lang sa mga ahensiyang ito, lalo na ang COA, kung hindi nakapagsabwatan sa DBM, Kamara, Senado, at DPWH ay wala sanang kontrobersiya sa pondo ng gobyerno.

Kung hindi kasabwat ang COA sa katiwalian ay wala sanang “ghost at substandard projects” ang DPWH.

Una nang sinabi ni PBBM sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong 2024, na mayroong siyang 5,500 flood control projects na natapos na at may ginagawa pa sa iba’t ibang lugar sa bansa.

Nakalimutan ata ni PBBM na mahigit kumulang sa 20 bagyo ang pumapasok sa Pilipinas taun-taon na nagdadala ng mga matitinding pag-ulan.

Binaha ang maraming lugar sa bansa, pangunahin na naapektuhan ang Region 3, National Capital Region (NCR), Region 4A at Region 4B at iba pang mga lugar sa Visayas at northern part ng Pilipinas.

Hinanap ng mga tao ang ipinagmamalaki niyang flood control projects, subalit walang naipakita si PBBM.

Siya na mismo ang nag-ikot sa Bulacan, Baguio City at iba pang mga probinsiya at nakita niya na wala ang kanyang ipinagmamalaking 5,500 flood control projects.

Kalaunan sa kanyang (PBBM) 2025 SONA, kanyang isinuka ang sinabing mayroon siyang 5,500 flood control projects at muli niya itong nilunok at sabay sabi na “MAHIYA NAMAN KAYO!” na sinagot naman ni dating Ilocos Sur Governor Chavit Singson na dapat ang sinabi ng pangulo ay “MAHIYA NAMAN TAYO!” dahil kasama ito sa nakinabang sa nasabing korupsyon.

Dito na nagsimula ang kaliwa’t kanang batikos sa administrasyon at kung sino ang nagsasalita upang kondenahin ang katiwalian ay binabalikan nila sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga kaso.

Kabilang sa nasampulan sina Cavite Cong. Kiko Barzaga, Retired General Romeo Poquiz at iba pa.

Sa kabila nito ay nagpatuloy ang mga batikos sa administrasyon ni BBM at inaasahan na lalo pang darami ang magsasalita laban sa kasalukuyang pamahalaan dahil sa deklarasyon ni VP Sara Duterte na tuloy ang kanyang pagtakbo sa 2028 president election.

Sa mga nagnanais na tumakbo sa 2028 presidential election, ay si VP Sara Duterte lang ang pinagkakatiwalaan ng mga Pilipino.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng PUNA, kahit magsanib pa ang Makabayan Bloc, Akbayan, Pinklawan, Dilawan at kampo ni BBM ay hindi nila kayang talunin si VP Sara Duterte sa 2028 presidential election.

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

3

Related posts

Leave a Comment