DELIVERY NG NATENGGANG BALIKBAYAN BOX PASPASAN

ALINSUNOD sa direktiba ni Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz, paspasan at puspusan na ang isinasagawang pagre-release ng Manila International Container Port (MICP) sa mga nakatambak na balikbayan boxes na natengga bunsod ng kapalpakan ng mga pribadong consolidator na nakabase sa ibang bansa.
Sa datos ng MICP, 19 na containers na naglalaman ng mga balikbayan box na padala ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa kani-kanilang pamilya na lang ang hindi pa nadadala sa nakatalang tirahan ng mga kaanak.

Una nang inatasan ni Ruiz ang mga kinauukulang tanggapan na madaliin ang releasing kundi man paghahatid ng mga nakabinbing balikbayan boxes bago pa man sumapit ang araw ng Pasko.
Pasok sa talaan ng mga tinukoy na international consolidators na pawang nakabase sa United Arab Emirates (UAE) ang Win Balikbayan Cargo LLC (All Win) and Island Kabayan Express Cargo LLC.

Sa imbestigasyon, lumalabas na bagama’t naipadala sa Pilipinas ng mga international consolidator ang mga balikbayan box, bigo naman anila ang All Win at Island Kabayan Express na bayaran ang mga local consolidator (CMG International Movers and Cargo Services, FBV Forwarder and Logistics Inc., at Cargoflex Haulers Corporation) na dahilan umano ng aberyang dulot ng kawalan ng salaping pambayad ng mga karampatang taripa, buwis at iba pang singilin ng ahensya.

Upang matuldukan ang usa­pin, bumalangkas ang BOC ng mga mekanismong akma sa hangaring makarating ang mga nabinbing padala ng mga OFW sa kanilang mga kaanak sa bansa.
Base sa pinakahuling tala ng BOC, pitong containers na naka-consign sa CMG ang ganap nang nai-deliver sa mga nakatalang tirahan ng mga pamilya ng mga manggagawang Pilipinong nakikipagsapalaran sa ibayong dagat.

Samantala, naglabas naman ng abiso ang kawanihan na pwede nang kunin sa Portnet Logistics Inc. sa Sta. Ana, Maynila ang mga balikbayan box na nasa pag-iingat ng Island Kabayan Express.

Para naman sa mga balikbayan box na nasa pag-iingat ng All Win, maaari umanong sadyain ang mga padala sa Hobart Warehouse sa bayan ng Balagtas sa lalawigan ng Bulacan.

Paglilinaw ng BOC, kailangang magprisinta ng mga kaanak ng OFWs ng orihinal na sipi ng Bill of Lading, invoice, at dalawang valid ID.

Diin pa ng BOC, walang babayaran ang mga claimant.

182

Related posts

Leave a Comment