LAGUNA – Inihayag ng Regional Biosurveillance ng Department of Health 4-A noong Agosto 13, umabot na sa 111 ang bilang ng mga tinamaan ng Delta variant sa Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon)
Naitala ang COVID-19 Delta variant sa limang probinsya. Sa Cavite ay may 41 cases, habang 35 cases sa Laguna, 14 cases sa Batangas, 14 cases sa Rizal at 7 cases sa Quezon.
Ayon kay DOH Regional Director Eduardo Janairo, sa ngayon ay wala nang naitalang active cases dahil gumaling na ang 48 cases nito habang 34 dito ay bineberipika pa. Hinihintay naman ang mga resulta ng pagsusuri sa 27 bagama’t dalawa na ang iniulat na namatay.
Kaugnay nito, agad nagsagawa ang Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) at Regional Infectious Disease Cluster ng mass swab testing sa probinsya ng Laguna mula Hulyo 30 hanggang Agosto 13 partikular sa Brgy. Sta. Monica sa San Pablo City, Brgy. San Nicolas sa Bay, Brgy. Wawa sa Lumban, at Brgys. Barandal at Canlubang sa Calamba City.
Gamit ang antigen test, 343 indibidwal ang sinuri dahil naging close contact ng mga tinamaan ng Delta variant.
Sinabi ni Janairo, “We need to strengthen the implementation of the prevent, detect, isolate, treat and re-integrate response strategies against the COVID-19 virus.”
“Kailangang sa community pa lang ay malaman na natin kung sino ang mayroon nito upang ma-isolate na agad at mabigyan ng agarang gamot upang hindi na kumalat at makahawa pa ng iba,” dagdag pa nito.
Paalala ng DOH, ipagpatuloy ang pagsunod sa safety protocols. Inanyayahan din ang mga residente na magpabakuna upang magkaroon ng dagdag na proteksyon. (CYRILL QUILO)
