DENR, DILG KINALAMPAG SA ILLEGAL LOGGING

PINAIIMBESTIGAHAN ni Surigao del Sur Governor Alexander “Ayek” Pimentel sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang illegal logging activities umano sa bayan ng Cantilan sa naturang lalawigan.

Nais ipasilip ng gobernador ang reklamong pagkakadawit umano ng ilang lokal na opisyal sa nasabing ilegal na gawain makaraan niyang pamunuan ang pagsalakay sa isang lumber yard sa nasabing bayan.

Nitong nakaraang Biyernes (Agosto 20), bandang alas-3:00 ng hapon, kasama sina Surigao del Sur Police Provincial Office chief, Police Col. James Goforth, mga tauhan ng Cantilan Municipal Police Station sa pamumuno ni Police Major Ferdinand Tavares at Forester Charles Sullano ng CENRO Cantilan, ay sinalakay nina Gov. Pimentel ang isang riverside compound sa Purok-2 Brgy. Tapi, Cantilan.

Nakumpiska sa pagsalakay ang ilang illegally cut assorted forest products na tinatayang aabot sa kabuuang 17,000 board feet at may market value na P500,000.

Ayon kay Governor Pimentel, ang illegal lumbers ay tinukoy na pag-aari ni Barangay Tapi Chairman Noel Azarcon, alyas Tiger.

Labis na nagtataka ang gobernador kung bakit sa lahat ng mga munisipalidad sa Surigao del Sur, sa bayan lamang ng Cantilan laganap ang illegal logging kung saan matatagpuan din ang tanggapan ng DENR-CENRO, na pinamumunuan ni Marlou Bonita.

“This area of barangay captain Azarcon is only 15 minutes away from the CENRO and the Mayor’s office. The illegal logging activities are striving and happening almost right on the tip of the nose

of public officials supposed to be protecting our environment and implement the law properly,” tahasang sabi pa ni Governor Pimentel.

Bunsod nito, nanawagan ang Surigao del Sur governor sa dalawang nabanggit na mga ahensya na siyasating mabuti at alamin ang posibleng pagkakasangkot ng mga public official, gayundin na magkaroon ng karampatang aksyon upang mawakasan ang ilegal na gawain na sumisira sa likas na yaman ng kanilang lalawigan. (CESAR BARQUILLA)

276

Related posts

Leave a Comment