LUMUSOT na sa ikalawang pagbasa sa mababang kapulungan ng Kongreso ang panukalang magtayo ng ahensya na tututok sa mga Filipino na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Sa pamamagitan ng ‘viva voce voting’, nanaig ang ‘aye’ (yes) vote sa ‘nay’ (no) votes ang House Bill No. 5832 o An Act Creating the Department of Filipinos Overseas and Foreign Employment.
Nakatakdang isalang ang nasabing panukala sa ikatlo at huling pagbasa sa susunod na linggo na ayon kay House Majority leader Ferdinand Martin Romualdez ay isa sa priority bills ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon naman kay House deputy speaker Raneo Abu, malaki ang maitutulong ng DFO sa milyon- milyong OFWs lalo na ang mga inaabuso ng kanilang employers.
“We have continued problems on illegal recruitment, employer abuse, sexual abuse, inadequate benefits, inefficient and ineffective delivery of services to OFWs, lack of representation of the OFW interests in the agencies that are supposed to protect and promote their rights, among others,” pahayag ni Abu.
Maging ang mga Filipino na naninirahan at citizen na sa ibang bansa, ay makikinabang sa DFO dahil proproteksyunan din ang interes nila bilang isang Filipino.
Sa ilalim ng nasabing panukala, pag-iisahin na ang mga ahensyang may kinalaman sa pagtatrabaho ng mga Filipino sa ibang bansa o overseas employment tulad ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) at iba pang departamento sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa sa isang ahensya na lamang.
Ang Departamento din ang hahabol sa mga nagsasamantala sa mga OFWs tulad ng mga illegal recruiters, mga abusadong recruitment agencies para makamit ng mga ito ang katarungan. BERNARD TAGUINOD
496
