DEPED PINURI SA PAGLULUNSAD NG EDUKASYON TUNGKOL SA WPS

PINURI ni Dr. Jose Antonio Goitia, Chairman Emeritus ng apat na makabayang organisasyon, ang plano ng Department of Education (DepEd) na isama sa kurikulum ng mga mag-aaral ang aralin hinggil sa West Philippine Sea (WPS), at tinawag itong “matalino at makabayang hakbang para palakasin ang kamalayang pambansa.”

Ayon kay Goitia, ang pagtuturo tungkol sa WPS sa mga silid-aralan ay mahalaga upang mapalakas ang depensa ng bansa laban sa disimpormasyon at panlabas na banta.

“Hindi mo maipagtatanggol ang isang bagay na hindi mo alam,” pahayag ni Goitia. “Kapag itinuro natin sa mga bata ang tungkol sa West Philippine Sea (WPS), hindi lang heograpiya ang itinuturo natin kundi maging ang pagtuturo ng pagmamahal sa bayan.”

Iginiit ni Goitia na ang silid-aralan ay nagsisilbing linya ng depensa ng bansa, lalo na’t patuloy ang pagpapakalat ng China ng “mga kasinungalingan para bigyang-katwiran ang kanilang mga pag-angkin sa ating karagatan.”

“Dapat itong tapatan ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng katotohanan,” aniya.

Binigyang-diin niya na sa pamamagitan ng pag-alam ng mga mag-aaral sa detalye ng 2016 Arbitral Ruling at sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas, mahuhubog ang kanilang totoong kaalaman at malasakit sa pag-aari ng sambayanan.

Nagbigay din ng diin si Goitia sa mga seryosong insidente kamakailan na nagpapakita ng patuloy na agresibong kilos ng China sa WPS, gaya ng mapanganib na paglapit ng mga barko ng China sa Pag-asa (Thitu) Island at ang paggamit ng water cannon laban sa mga barkong Pilipino.

Ayon kay Goitia, ang isyu ng soberanya ay hindi lang salita, kundi nakaugnay sa kabuhayan ng mga mangingisda, likas na yaman ng bansa, at dangal ng bawat Pilipino.

Kasabay ng pagpuri, nanawagan si Goitia sa DepEd na suportahan ang mga guro sa pamamagitan ng tamang kagamitan at pagsasanay.

“Ang mga guro natin ang kinakailangang mas may kaalaman dahil sila ang nakaumang sa harap ng laban na ito,” dagdag pa niya.

Para kay Goitia, ang edukasyon ang pinakamabisang sandata laban sa kasinungalingan. “Kapag alam ng mga bata ang katotohanan, mas mahirap silang malinlang at mas madali silang magkaisa.”

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay kinikilala bilang Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement.

(JULIET PACOT)

51

Related posts

Leave a Comment