(NI BERNARD TAGUINOD)
NAIS ng isang mambabatas na bigyan ng karagdagang P10,000 allowance , hindi lamang ang mga public school teachers, kundi lahat ng mga manggagawa sa Department of Education (DepEd) maliban sa high ranking officials na may salary grade (SG) 30.
Sa ilalim ng House Bill 1740 na iniakda ni Camarines Sur Rep. Luis Raymund Villafuerte Jr., nais nito na bigyan ng karagdagang sahod ang mga empleyado ng DepEd upang hindi na makaltasan ng buwis.
Kung maipapasa ang nasabing panukala na tinawag nitong “An Act Providing for Additional Support and Compensation for Educators in Basic Education”, magkakaroon ng karagdang P10,000 ang allowance ng mga ito empleyado ng DepEd sa loob ng tatlong taon.
“This bill intend to address the financial security of our public school teachers and non-teaching personnel by giving them additional compensation on top of their existing salary and benefits,” ani Villafuerte sa kanyang panukala.
Unang ibibigay ang P4,000 sa unang taong implementasyon ng batas at tig-P3,000 sa ikalawa at ikatlong taon.
Hindi lamang ang mga nagtuturo o teaching personnel ng DepEd ang makikinabang sa nasabing karagdagang allowance kundi ang mga non-teaching personnel maliban sa mga high ranking officials na ang salary grade ay 30 o higit P196,000 ang buwanang sahod.
Kasama rin na makikinabang sa dagdag na benepisyo ang mga public educators at mga locally funded teachers, Philippine Science High School system at non-teaching personnel.
