DPA ni BERNARD TAGUINOD
TAPOS na ang eleksyon at nagdesisyon na ang mga tao kung sino ang mga politikong nais nilang mamuno o manungkulan sa kanila sa loob ng 1,095 araw mula sa June 30, 2025 hanggang Junes 30, 2028.
Pero hindi ko maiwasang malungkot dahil ang desisyon ng mga botante ay base sa perang natanggap nila sa local candidates mula congressman, governor, mayor pababa sa Sangguniang Bayan at City Council.
Ang laging pokus natin kasi rito sa Metro Manila ay ‘yung senatorial candidates lang pero ang lala ng sitwasyon sa mga local election dahil harap-harapang namimili ng boto ang SB candidates sa mga probinsya.
Mantakin niyo ha, hindi nangangampanya ang mga kandidato pero pagdating ng bilangan ng boto ay malaki ang kanilang boto. Alam n’yo kung bakit? Dahil sa P50 hanggang P100 kada tao na ibinibigay kapalit ng pagboto sa kanila.
Parang pinagtatawanan nila ‘yung mga kandidatong matiyagang nagha-house to house para iparating nang personal sa mga tao ang kanilang plataporma, dahil dalawa o isang araw bago eleksyon ay mamimili sila ng boto.
Sabi nga ng isang kausap ko, imbes na gastusin ang pondo ng isang kandidato sa pangangampanya ay ipambibili na lamang nila ng boto at mukhang epektib naman dahil hindi na sila napagod at nanalo pa.
May mayor din ang ayaw ng mga disente, edukado at matalinong kandidato kaya bago ang araw ng eleksyon ay pupulungin ang mga barangay captain para sabihan sila na huwag ipaboto sa kanilang barangay ang mga ‘yun dahil baka maging kontrabida raw sa kanila.
Takot sa check and balance ang karamihan sa mga mayor sa probinsya kaya ‘yung alam nilang sunud-sunuran lang sa kanila ang nais nilang manalo kaya walang nangyayari sa konseho sa mga probinsya na hindi napapansin ng mainstream media.
Kahit ang mga party-list group ay walang takot mamili ng boto. Mantakin n’yo, hindi rin nangangampanya ang karamihan o halos lahat ng party-list pero nakakukuha sila ng malalaking boto?
Tulad kasi ng local candidates, saka lang kikilos ang mga party-list group, isa o dalawang araw bago ang eleksyon. Magpapakalat ng mga tao sa tulong ng kasabwat na mayor para mamili ng boto.
Dahil dyan, hindi na sinusuri ng mga botante ang mga kandidato kung nararapat ba silang maluklok dahil mas malakas ang boses ng pera kaysa kwalipikasyon ng nag-aapply ng trabaho sa konseho hanggang sa governor at congressman.
Hindi ko alam kung hanggang kailan mananaig ang pera sa eleksyon at hindi ko alam kung kailan magbabago ang mga botante.
