IPATATAWAG muli ng Senate committee on energy ang opisyal ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) matapos mabigo ang kumpanya na sumailalim sa mandatory system audit.
Sa pahayag, sinabi ni Senador Sherwin “Win” Gatchalian na maraming dapat ipaliwanag ang NGCP sa Senado dahil sa kabila ng extension na ibinigay ng komite, nabigo pa rin ang kumpanya sa system audit.
“Initially, the committee gave the NGCP until February 10 to comply with the order to subject its operations to a mandatory audit following national security concerns. The deadline has been extended until February 17 prior to NGCP’s request for an extension,” ayon kay Gatchalian.
Sa ginanap na pagdinig nitong unang bahagi ng Pebrero, nangamba ang ilang senador nang aminin ng mga opisyal ng NGCP na mayroong ilang cyber attacks na nangyayari ngunit hindi nito isinumbong sa kinauukulang ahensiya.
“With just a single attack, we should already be panicking. Hindi na dapat yan umabot ng maraming attacks,” ayon kay Gatchalian.
“Nagulat ako. We were merely contemplating on how to deal about future cyber attacks, yun pala nangyayari na pala sa atin. Kaya kung hindi sila papayag na pumasok ang DOE, itutuloy namin ang aming recommendation na i-revoke ang franchise nila,” giit pa ni Gatchalian.
Sa naturang pagdinig, inamin ng Department of Energy at National Transmission Corporation (TransCo) na umayaw ang mga NGCP official na magsagawa ng ilang pagsusuri.
“There are mounting fears that NGCP is being controlled and operated by China through the State Grid Corporation of China (SGCC) which has 40% stake in the company,” ayon kay Gatchalian.
Natuklasan pa ng komite na isang Wen Bo ang lumagda sa kontrata bilang chief technical officer (CTO) ng NGCP na pawang paglabag sa Saligang Batas na magtalaga ng hindi Filipino sa matataas na posisyon sa isang lokal na kumpanya.
“Having a non-Filipino in the top management posts of the company is a clear violation of the Constitution citing Section 11, Article 12 of the 1987 Constitution which states that “all executive and managing officers of any corporation or association must be citizens of the Philippines,” ani Gatchalian.
Nakatakdang suriin ng komite ang concession agreements ng NGCP kabilang ang prangkisa at performance audit nito. ESTONG REYES
352 