BAGAMA’T suportado, hindi makikisawsaw ang liderato ni House Speaker Lord Alan Velasco sa pag-iimbestiga kung sino-sinong congressmen ang sangkot umano sa anomalya sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ito ang nabatid kay Velasco kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na magsagawa ng large-scale investigation sa mga alegasyon ng katiwalian sa gobyerno kasama na ang DPWH.
Ayon sa House leader, hindi maaaring mag-imbestiga ang Kamara dahil may mga kongresistang isinasangkot sa katiwalian sa mga proyekto ng DPWH sa mga distrito.
“While we are saddened that some congressmen and the institution have been dragged into this controversy, we welcome such probe by any government agency, as an investigation by the House would be self-serving and would only create a cloud of doubt,” ani Velasco.
Unang sinabi ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica na may mga mambabatas na sangkot sa katiwalian sa DPWH project subalit hindi ito nagbigay ng pangalan.
Ibibigay umano ni Belgica nang direkta kay Duterte ang pangalan ng mga mambabatas na sangkot sa katiwalian kaya nangangapa ang lahat sa Kamara kung sino ang mga kongresistang ito. (BERNARD TAGUINOD)
