DILG, BIZ GROUP ITINUTULAK DIGITAL BUSINESS PERMITS PARA BUHAYIN TURISMO

TUGMA sa panawagan ng malaking grupo ng mga negosyante ang isinusulong ng local government units (LGUs), sa pangunguna ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na pabilisin ang mga proseso sa lokal na pamahalaan—kabilang ang digitalization at streamlining ng business permit processing—upang mapalakas ang turismo sa bansa.

Naniniwala ang DILG at ang Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry Inc. (FFCCCII) na ang mas malawak na digitalization at pinasimpleng business permit processes ay magpapabilis ng operasyon ng mga negosyo at magpapalakas sa tourism-related enterprises.

Una nang inilunsad ng FFCCCII ang kanilang “Call to Action & Reforms to Revive Philippine Tourism,” kasabay ng babala na habang umaarangkada ang turismo ng mga karatig-bansa, napag-iiwanan ang Pilipinas.

Ayon kay FFCCCII chairman Victor Lim, kritikal na ang agarang reporma.

“We are at a pivotal time where decisive, comprehensive reform is not just an option—it is an urgent economic imperative,” ani Lim.

Batay sa datos, sa unang 11 buwan ng 2025 ay 5.24 milyong international arrivals lamang ang naitala ng Pilipinas—2.2% na mas mababa kumpara sa nakaraang taon at 37% na mas mababa kumpara sa pre-pandemic level noong 2019.

Giit ng FFCCCII, direktang tama ito sa ekonomiya ng bansa.

“Tourism is our economy’s low-hanging fruit… it directly creates jobs and sustains micro, small, and medium enterprises (MSMEs). To revive our economy from the grassroots up, we must first reform and revive tourism,” ayon sa grupo.

Ilan sa tinukoy na problema sa industriya ang congested gateways, logistical hurdles, at unreliable connectivity na umaawat sa mainstream travelers. Balakid din umano ang hindi kompetitibong visa processes kumpara sa ilang ASEAN neighbors na mas pinasimple ang entry requirements.

“We are losing visitors to neighbors who make access effortless,” ayon pa sa FFCCCII.

Sa panig ng DILG, sinabi na 95.23% ng LGUs ay pinasimple at digitalized na ang kanilang business permit systems upang isulong ang transparency, paikliin ang processing time, at mabawasan ang delays sa business registration at renewal.

Sa ilalim ng Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business (EODB) Law, dapat aksyunan ang business permit applications sa loob ng tatlong araw para sa simple transactions, pitong araw para sa complex transactions, at 20 araw para sa highly technical applications.

Umaasa ang DILG at FFCCCII na sa tuloy-tuloy na digitalization at deregulasyon sa lokal na antas, mas magiging kaakit-akit ang Pilipinas sa investors at dayuhang turista—at tuluyang sisigla ang industriya ng turismo.

(JESSE RUIZ)

62

Related posts

Leave a Comment