UMANI ng papuri mula sa mga kapwa konsehal si Pasig City Councilor Simon Romulo Tantoco, pamangkin ni Pasig City Lone District Rep. Roman Romulo, matapos nitong ihayag na hindi siya tatakbo sa pulitika sakaling tuluyan nang maisabatas ang Anti-Dynasty Bill.
Ito ay kasunod ng pagsusumite ni Councilor Volta delos Santos ng isang resolusyon at talumpati na humihimok sa Mababa at Mataas na Kapulungan ng Kongreso na madaliin ang pagpasa ng House Bill 6771 upang ganap na maging batas.
“Ako ay related kay Congressman Roman Romulo by third degree. Kaya kung meron mang posibleng matamaan po dito sa Sanggunian, depende po sa ipapasa na version ng Congress. If ever they will do, I may potentially be hit,” pahayag ni Tantoco.
Dagdag pa ng second-termer city councilor, ang kanyang paninindigan sa pulitika ay malinaw.
“Pero lagi po nating iisipin, pumasok po tayo dito sa politics [na] ang mindset po natin, ang loyalty po natin ay hindi po sa isang pamilya, hindi po sa isang partido. Ang loyalty po natin ay dapat sa Lungsod ng Pasig at higit sa lahat sa bansang Pilipinas,” ani Tantoco.
Si Tantoco ay anak ng kilalang socialite na si Mons Romulo, kapatid ni Congressman Roman Romulo. Dating asawa ni Mons si Sander Tantoco ng pamilyang nagmamay-ari ng Rustan’s. Apo rin si Tantoco ni dating foreign affairs secretary at senador na si Alberto Romulo.
Noong 2022, tumakbo at nanalo bilang city councilor ng Pasig si Tantoco.
“Sa hinaharap, sakali mang dumating sa punto na may batas na tungkol dito at direkta akong maaapektuhan, maluwag sa puso ko na isantabi ang aking karera sa paglilingkod-bayan at sariling ambisyon para sa kapakanan ng sambayanang Pilipino,” mariing pahayag ng konsehal.
Pinalakpakan si Tantoco hindi lamang ng kanyang mga kapwa konsehal kundi pati ng mga bisita at iba pang nasa loob ng session hall.
Sumunod din ang ilang konsehal sa pagpapahayag ng kahalintulad na paninindigan, kabilang ang mga may kamag-anak na kasalukuyang naglilingkod o dating nagsilbi sa pamahalaan.
Matatandaang matagal na naging mainit na isyu ang political dynasty sa Pasig City, na pinamunuan ng pamilyang Eusebio—mula kina Vicente at Soledad Eusebio hanggang sa kanilang mga anak na sina Bobby at Ricky, pati na rin ang asawa ni Bobby na si Maribel.
Tinapos ni Mayor Vico Sotto ang dinastiya noong 2019 at nangakong hindi siya tatakbo kung may kasabay na kamag-anak na kakandidato sa lungsod.
Sa kasalukuyan, umuugong ang bulung-bulungan na sa halalan ng 2028 ay posibleng magbanggaan sa pagka-alkalde ang mga kaalyado ni Sotto na sina Vice Mayor Dodot Jaworski at Congressman Roman Romulo.
Noong 2004, tinalo ni Jaworski si Romulo sa pagka-kongresista. Bumawi si Romulo noong 2007 at nanilbihan hanggang 2016, at muling nanalo noong 2019 hanggang sa kasalukuyan.
Kung mahahati umano ang mga tagasuporta ng dalawa, posible ring makabalik sa eksena ang mga Eusebio na nananatiling may solidong base ng suporta sa lungsod.
(NEP CASTILLO)
71 