DILG HUGAS-KAMAY SA NO VAX, NO AYUDA

HUGAS-KAMAY ang Department of Interior and Local Government sa kontrobersyal na polisiyang “No Vax, No Ayuda” sa mga benepisaryo sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng pamahalaan para sa maralitang mamamayan.

Ayon kay DILG spokesperson Jonathan Malaya na tumatayong tagapagsalita ng nasabing ahensya, hindi umano sila ang nagsusulong ng nasabing patakaran kundi ang mga local government units (LGUs) na nangangasiwa sa pamamahagi ng buwanang ayudang laan bilang agapay sa pag-aaral ng mga estudyanteng mula sa mga maralitang pamilya.

“Let me just emphasize, it’s not just the DILG that is proposing this,” paglilinaw ni Malaya sa isang panayam.

Wala rin aniyang basehan ang mga patutsada sa kanilang departamento ng pinaratangan ng pagwawalang-bahala sa mga maralitang hindi pa bakunado.

Una nang napaulat ang umano’y planong pagkakait ng buwanang tulong sa mga hindi pa bakunadong benepisaryo ng nasabing programa.

Giit ng mga kritiko, mas mainam na magbigay ng insentibo sa mga hindi pa bakunado sa halip na ipitin ang pondong sadyang inilaan sa mga kwalipikado. Mali din umano pahirapan ang mga mahihirap na mamamayan sa hangarin ng gobyernong pwersahang bakunahan ang mga Pilipino.

Diin pa ni Malaya, mga punong ehekutibo mula sa hanay ng gobernador at alkalde ang masigasig na nagsusulong ng ‘No Vax, No Ayuda” policy para sa mga benepisaryo ng 4Ps.

Kaugnay nito, nagpahayag ng kandaan ang DILG na patawan ng parusa ang mga gobernador at mayor na nagpapatupad ng kontrobersyal na polisiya, batay na rin sa utos ng Pangulo.

“The President told the DILG to sanction the mayors who will be slow or underperforming based on the targets the NVOC (National Vaccine Operations Center) has given to them,” ani Malaya.
Sa datos na iprinisinta ng DILG, lumalabas na 12% pa lamang ng kabuuang bilang ng mga 4Ps beneficiaries ang nabakunahan na laban sa nakamamatay na COVID-19.

Sa kabila ng pagtanggi ng DILG sa nasabing polisiya, kinastigo pa rin ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang ahensya na umano’y promotor sa pagpiit ng ayudang laan sa mga maralitang pamilya.

Giit ni Fortun, isang social injustice umano ang nasabing polisiya, kasabay ng panawagan sa DILG para ibasura ang nasabing ideya.

“Ayuda delayed is social justice denied. Withholding or delaying the release of the benefits until the beneficiary is vaccinated is effectively a forfeiture of the benefits,” ani Fortun.
Aniya, ngayon higit kailan pa man kailangan ng mga benepisaryo ang ayuda ng gobyerno.

“4Ps cash aid during this pandemic is a matter of survival and hunger. How can any government official or agency even think of causing, adding such grievous suffering to the poor. Mas exposed na nga sa risks ng infection, tatanggalan pa ng pantawid na tulong,” pagtatapos ng kongresista. (LILY REYES/ BERNARD TAGUINOD)

179

Related posts

Leave a Comment