KAKALAMPAGIN ng Senado ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kaugnay sa aktwal na bilang ng mga nabigyan na ng cash assistance sa ilalim ng Special Amelioration Program (SAP).
Ayon kay Senate President Tito Sotto, aalamin din nila mismo sa DILG ang report mula sa mga lokal na pamahalaan hangang sa barangay hinggil sa estado ng implementasyon ng SAP.
Sa report ng Executive Department sa Senado, nasa 91 percent na ng pondo para sa unang buwan ng implementasyon ang naibaba ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan para sa SAP.
Gayunman, may mga impormasyon na 22.6 percent pa lang ng kabuuang 18 million families ang nakatanggap ng ayuda.
“Yun ang mabigat, kasi itong report na pinapadala sa amin, report galing sa Executive Department pero hindi kami nakakatanggap ng report tulad nung binanggit mo na from naidowload na sa baba, from the LGU or the DSWD pababa kung anu-ano na ang naisubmit nila. As a matter of fact, yung sa Cebu, kabibigay lang sa akin nung report sa Cebu, kagabi ko lang nakita. Nakapagdownload na pero wala pang nabibigay,” diin pa ni Sotto.
Naniniwala ang senador na dapat ay mayroon ding counter report para sa tunay na sitwasyon.
“Kakalampagin pa namin ang DILG rito at kailangan siguro, baka pati yung Committee on Local Government ng Senado ay medyo mas kumilos pa,” diin ni Sotto. DANG SAMSON-GARCIA
204 