DILG kinuyog sa ‘paandar’sa gitna ng pandemya MAGPOKUS SA COVID HINDI SA CHA-CHA

BINATIKOS ng mga mambabatas mula sa mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso ang Department of Interior and Local Government (DILG) matapos isingit ang Charter Change (Cha-Cha) sa gitna ng paglaban sa pandemyang COVID-19.

Para kay House deputy minority leader Carlos Zarate, ‘wala sa hulog’ ang iniutos ng DILG sa kanilang mga regional office at suporters na ituloy ang pangangalap ng 2 milyong lagda para maamyendahan ang 1987 Constitution.

“The obssession with Charter change shows another misplaced priority of the Duterte administration even if it is yet to fully address the CoVid pandemic in our country,” ani Zarate.

Tiyak na mawawala aniya sa pokus ang gobyerno sa pagtugon sa problema sa COVID-19 na labis na nakaapekto na sa buhay ng mamamayang Filipino at maging sa ekonomiya ng bansa kapag binigyang prayoridad ang pag-amyenda sa Saligang Batas.

Nanghihinayang ang mambabatas sa pondong gagamitin o ginagamit ng DILG sa pag-amyenda sa Konstitusyon gayung kulang na kulang pa rin aniya ang personal protective equipment ng lahat ng frontliners sa COVID-19.

“Ginagamit pa ng DILG ang pandemya para isulong ang makitid na interes na laman ng Chacha. Dapat na magpokus na lang ito sa pagpapabilis ng paghahatid ng ayuda sa bawat barangay na dumadaing na sa gutom sa halip na magpapirma para sa Chacha,” ayon naman kay Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

Base sa mga panukalang batas na nakahain sa Kongreso, layon ng pagbabago ng Saligang Batas na palawigin ang termino ng mga halal na opisyales ng gobyerno mula sa Kongreso hanggang sa pinakamababang puwesto sa gobyerno.

KINASTIGO SA SENADO

Samantala, kinastigo rin ni Senador Franklin Drilon ang nasabing hakbang ng DILG.

“[A] total waste of time and resources… [sapagkat] habang ang mga Pilipino ay wala nang makain at nawalan ng trabaho, isusubo natin itong Cha-cha?,” tirada ni Drilon.

Binira ng senador mula Iloilo ang DILG na pinamumunuan ni Secretary Eduardo Año sa balitang kumikilos ang kagawaran pabor sa rebisyon ng Konstitusyon.

Ang pagsulong tungkol sa Cha-cha ng administrasyong Duterte ay naglalayong palitan ng sistemang federalismo ang umiiral na sistemang presidensiyal na operasyon ng pamahalaan ng Pilipinas.

Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na hindi tuluy-tuloy ang paggulong at patas na pag-angat ng ekonomiya mula Luzon hanggang Mindanao kung mananatiling presidensiyal ang sistema ng pamamahala sa bansa.

Hindi dapat nag-aaksaya ang DILG ng pera at mga kawani ng pamahalaan sa pangangalap ng lagda para sa Cha-Cha, banggit naman ni Senador Francis Pangilinan.

Idiniin ni Pangilinan na magpokus ang DILG sa “mass testing” at “contact-tracing” para makatulong ang kagawaran sa pagsugpo laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19). NELSON S. BADILLA

143

Related posts

Leave a Comment