DILG sa Metro Manila LGUs UNIFORM CURFEW HOURS PAIRALIN

IMINUNGKAHI ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa labing pitong alkalde sa National Capital Region (NCR) na gawing pare-parehong oras ang curfew sa buong Kalakhang Maynila upang hindi mahirapang sumunod ang mga residente.

Ani DILG Spokesman Jonathan Malaya: “adopting uniform curfew hours would make it easier for the public to comply because people tend to live and work in different local government units (LGUs)”.

“Mahirap po sa ating mga kababayan kung paiba-iba ang curfew hours dahil malilito po sila sa pagsunod nito,” sabi pa ni Malaya.
Isasagawa ang curfew ng 17 LGUs sa NCR upang istriktong masunod at ipatupad ang lahat ng mga alintuntuning magbibigay proteksiyon sa mamamayan laban sa COVID – 19.

Ilang araw nang nababalita sa media na muling tumaas ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 sa NCR.

Malaking bilang dito ay nasapul na ng South African at United Kingdom variants, ayon na rin sa impormasyong inilabas ng Department of Health (DOH).

Naganap ito kasabay ng pagkasa ng programang baksinisasyon ng pambansang pamahalaan sa NCR na nagsimula noong Marso 1.

Idinagdag ni Malaya na higit ding magiging madali para sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapatupad ng curfew sa NCR kung iisa ang oras ng simula nito sa gabi at pagtatapos nito sa madaling araw.

Samantala, mas gugustuhin ng pamahalaan na magpatupad ng localized o granular lockdowns kaysa ibalik ang buong bansa sa strict lockdown sa gitna ng pagtaas ng coronavirus cases.

Sinabi ni Presidential spokesman Harry Roque, may kapangyarihan ang local government units (LGUs) na magpatupad ng localized lockdown sa isang specific o tiyak na lugar kung saan may naiulat na pagtaas ng COVID-19 transmission.

“Hindi po. Ang ating istratehiya pa rin ay localized lockdown,” ang tugon ni Sec. Roque sa tanong kung advisable ba na magpatupad ng city-wide o barangay-level lockdowns para mapigilan ang pagkalat ng nasabing sakit.

Kamakailan ay pinayagan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang LGUs na ilagay ang maliliit na lugar gaya ng gusali, kalsada o maging ang barangay sa ilalim ng lockdown para mapigilan ang pagkalat ng transmission.

Layon ng granular lockdown na balansehin ang pangangailangan na protektahan ang public health mula sa pagkalat ng virus na hindi mapipinsala ang malaking bahagi ng ekonomiya.

Bukod sa granular lockdowns, sinabi ni Sec. Roque na ang local government units ay kailangan paigtingin ang prevent-detect-isolate-treat-recovery strategy para mapigilan ang outbreak sa kanilang komunidad. (NELSON S. BADILLA/CHRISTIAN DALE)

222

Related posts

Leave a Comment