WALA umanong hustisyang nakamit sa barangay at mga awtoridad ang dalawang paslit na ginulpi ng 40-anyos na kapitbahay noong Oktubre 9 sa Tanay, Rizal.
Ayon sa mag-asawang Andro at Carol Loberiano, ginulpi umano ng suspek na si Nolito Inasis na kanilang kapitbahay, ang kanilang dalawang anak na sina Kyd, 6-anyos, at Sapphire, 7, sa P. Castillo St., Brgy. Katipunan Bayani sa nabanggit na bayan.
Sa pahayag ng mag-asawa, agad silang nagtungo sa kanilang barangay hall para i-blotter ang insidente ngunit wala umanong available na magtatala sa blotter.
Dahil dito, nagtungo ang mag-asawa sa pulisya sa tanggapan ng Children and Women’s Desk (CWD) para magsampa ng reklamo ngunit blotter lang ang ginawa at kailangan pa umano ng testigo.
Nakaranas na rin umano ng pambu-bully ang pamilya maging ang dalawang bata na na-trauma sa pangyayari.
Nauna rito, noong Oktubre 9, sa pagitan umano ng ala-una hanggang alas-3:00 ng hapon, naglalaro ang magkapatid sa labas ng bahay ng suspek nang bigla umanong lumabas si Inasis at hinablot ang braso ni Sapphire at piniga, sinabunutan at kinaladkad saka tinuktukan sa ulo na sanhi ng mga pasa sa braso at pananakit ng ulo.
Habang sinipa naman umano ng suspek si Kyd sa balakang na gumulong sa semento kaya nagkaroon ng mga galos sa tuhod.
Laking gulat umano ng mag-asawang Lobriano nang dumating sa kanilang pinapasukang trabaho dakong 6:00 ng gabi ang anak na si Sapphire sakay ng tricycle, na may mga pasa sa ulo.
Dahil dito, umaapela ang mag-asawa kay PNP chief, Gen. Guillermo Eleazar para makamit ang katarungan dahil umano sa kawalan ng aksyon ng Children and Women’s Desk ng PNP Tanay, na pinamumunuan ni P/Lt. Col. Resty Damaso, maliban sa pagkuha ng kanilang statement.
Maging sa pamunuan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ay dumulog ang mag-asawang Lobriano dahil sa trauma na nararanasan ng mga bata at kawalan ng aksyon ng kanilang barangay.
Ayon sa mag-asawa, balot sila ngayon ng takot dahil ipinagmamalaki umano ng suspek na kakampi nito ang barangay at teacher ang asawa nito sa isang paaralan doon. (KNOTS ALFORTE)
175 