KUNG ano man ang kahalagahan ng panalo ni Filipino Olympian Eumir Marcial sa kanyang unang laban bilang pro, ito ay ang pagpapamalas niya kung bakit siya ang may pinaka-mataas na tsansang magbigay sa Pilipinas ng kauna-unahang gintong medalya sa Olimpiyada.
Dinomina niya ang Amerikanong si Andrew Whitfield sa apat na round nilang paghaharap kahapon (Huwebes sa Maynila) sa Shrine Exposition Center sa Los Angeles sa California.
Lahat ng tatlong huwes ay bumoto ng 40-36 shutout pabor kay Marcial na nagsilbing simula rin ng kanyang kampanya bilang pro, na ginamit din niyang sukatan para sa paghahanda niya sa XXXII Games of the Olympiad sa susunod na taon sa Tokyo.
Kontrolado ni Marcial ang laban mula sa pagtunog pa lamang ng kampana sa unang round kung saan ay ipinadama agad niya sa kalaban ang ipinagmamalaki niyang malalakas na suntok, hanggang sa ikatlong yugto ng kanilang paghaharap. Ito ay bago siya mamahinga sa huling round.
Himala na lamang ang kinakailangan ni Whitfield upang mabago ang resulta at maiwasang makamit ang kanyang pangalawang pagkatalo sa limang laban.
Kahapon ng umaga bago ang sagupaan, tangka sanang alagaan ng Amerikano ang kanyang 3-1 panalo-talong marka sa limang laban niya na may dalawang KO. Ngunit nabigo siya.
Matapos ang tagumpay, ipinahayag ng 25-anyos na Zamboangueno na inaalay niya ito sa kanyang kapatid na si Eliver na pumanaw ilang araw matapos siyang makarating sa Amerika, sa kanyang promoter at idolong si Many Pacquiao at sa lahat ng kanyang mga kababayan.
“As I said on the eve of my debut, I am dedicating this fight to my idol Sir Many, who is celebrating his 42nd birthday today, to Kuya Eliver na hindi ko man lang nakita noong pumanaw, at sa ating mga kababayan!” bulalas ni Marcial.
“Unang laban ko pa lamang ito, pero parang kampeonato na dahil sa kahalagahan nito sa preparasyon ko para mahandugan ang ating bansa ng Olympic gold medal na halos isandaang taon na nating pinapangarap,” sabi pa ng Philippine Air Force Airman.
Unang lumahok ang Pilipinas sa Olimpiyada noong 1924 sa Paris o 96 taon na ngayon.
“Hudyat ito ng aking determinasyon at dedikasyon, na alam kong pinagdududahan pa ng marami nating lider sa sports,” puno ng emosyong wika ni Marcial, na kinailangang mag-pro at magpunta
sa Amerika para lamang makapag-ensayo, bagay na walong buwang ipinagkait sa kanya ng mga namumuno sa palakasan sa bansa, magmula noong Marso nang ideklara ng pamahalaan ang lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
Lumipad patungong Los Angeles noong Oktubre si Marcial para pakiusapan si Hall of Famer Freddie Roach, trainer din ni eight-division world champion Manny Pacquiao, para pamamahalaan ang kanyang paghahanda para sa Olimpiyada, na hindi naman ipinagkait ng may-ari ng Wild Card Gym.
Hinggil sa katatapos na laban, inamin ni Marcial na unang round pa lang ay tinamaan na siya. “Naramdaman ko yung suntok niya kasi mas manipis ang gloves sa pro na 10oz. Sa amateur kasi 12oz ang gamit namin.”
“Siguro talagang pinaghandaan niya ako kasi three months ago, alam na niya yung laban. Matagal akong walang training dahil sa pandemic kaya struggle din ako na makuha yung tamang kondisyon at timing,”dagdag niya.
“At least hindi ako binigyan ng kalaban na hihiga na lang. Crucial din na makakuha ng sparmates kasi wala ako sparring last two weeks dahil gusto ng mga mag-sparring sa akin ay may bayad na. Kaso wala pa akong budget sa training dahil hindi pa ina-aksyunan ng ABAP at ng PSC ang request ko, tatlong buwan na.”
Ayon pa kay Marcial: “Sinabihan na ako ni Sir Sean (Gibbons) kung gusto ko muna magbakasyon, pero sabi ko one week lang pahinga ko training na agad ako. Kailangan ko pa ng maraming experience kaya tuloy-tuloy na para mas lalong gumanda tsansa natin sa Olympics.”
Ang mga judge — Don De Verges, Ron Scott Stevens at Damian Walton – ay umiskor pare-pareho ng 10-0 para kay Eumir.
Bugbog-sarado si Whitfield matapos ang sagupaan at sarado ang kanang mata, na resulta ng mga patama ni Marcial sa mukha magmula noong second round.
Sa opensa at depensa ay wala nang mahihiling pa kay Macial, bagama’t nakapagpatama pa rin si Whitfield, na beterano ng 40 laban sa MMA.
