IGINISA ng mga mambabatas ng Senado ang mga opisyales ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) dahil sa mabagal at kawalan ng aksyon ng mga ito kaugnay sa pumasok na milyun-milyong dolyares sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee, kinastigo ni Sen. Richard Gordon ang AMLC at BSP kaugnay ng mistulang pagtulog ng mga ito sa sulat na ipinadala ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero na magsagawa ng pagsisiyasat sa ipinasok na malaking halaga ng pera ng ilang Filipino mula sa bansang Singapore at Hong Kong.
“Ang Customs nahuli na nga eh. There’s a problem in your bureaucracy. You will meet one month and ten days after the intelligence transpires. Huli na! Huling huli na!. That’s bureaucracy at its worst form. Huli na! Nagastos na ‘yung pera, nakaikot na sa buong mundo ‘yung pera,” giit ni Gordon, chairman ng nasabing komite.
Ayon sa senador, malaki ang pananagutan ng mga nasabing ahensya sa pagpapabaya sa pagpasok ng $447 milyon o katumbas ng P22.69 bilyon na “dirty money” ng 47 indibiduwal mula sa bansang Singapore at Hong Kong.
Paliwanag na ng mambabatas, Oktubre noong nakaraang taon nang harangin ng BOC ang maletang nasabat sa isang Simon John Rodriguez na naglalaman ng malaking halaga kung saan nagpadala si Guerrero ng sulat sa BSP, AMLC, at sa Bureau of Immigration para magsagawa ng aksyon subalit walang nangyari.
Agad namang nagpaliwanag si BSP Deputy Governor Chuchi Fonacier at sinabing natanggap lamang nito ang sulat ngayong taon kung saan buwan lamang ng Pebrero nang simulant nila ang imbestigasyon.
Kaugnay nito, aabot sa P14 bilyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) transactions ang kinokonsidera ng AMLC na kuwestiyunable mula Enero 2017 hanggang Oktubre 2019.
“There are P14 billion worth of [POGO] transactions related to suspicious activities, most of these is because of violation of E-commerce Act and drug trafficking,” sabi ni AMLC Secretariat Executive Director Mel Georgie Racela. NOEL ABUEL
192
