CAVITE – Masusing iniimbestigahan ng Cavite Police ang hinggil sa pagpatay sa isang lalaking may diperensiya sa pag-iisip na binaril ng hindi kilalang suspek sa Gen. Trias City sa lalawigang ito, noong Linggo ng hapon.
Namatay sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Jerick Posas, 31, binata, residente ng Brgy. Sta. Clara, Gen. Trias City.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan sa suspek na tumakas matapos ang pamamaril.
Ayon sa salaysay ni Bgry. Tanod Nelson Alfaro kay P/SSgt. Ernesto Angue Jr. ng Gen. Trias City Police, nasa loob siya ng comfort room ng barangay hall ng Brgy. San Gabriel, Gen. Trias City nang makarinig siya ng isang putok ng baril dakong alas-3:00 ng hapon.
Nang sumilip siya sa bintana, nakita niya ang biktimang nakahandusay sa lugar at duguan ang ulo.
Ayon kay Angue, kilala ang biktima sa nasabing lugar na may diperensiya sa pag-iisip ngunit hindi pasaway at nanghihingi lamang ng sigarilyo.
Napag-alaman, hindi gumagana ang CCTV sa lugar at walang gustong tumestigo hinggil sa insidente. (SIGFRED ADSUARA)
 152
 152
 

 
                             
                            