HINDI magkukuwalipika ang mag-asawang Pacifico “Curlee” at Rowena Cezarah Discaya bilang state witnesses dahil hindi sila ang ‘least guilty’ sa anomalya sa flood control projects.
Ito ang idineklara ng lead chairman ng Infra Committee na si House committee on public accounts at Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon matapos ang unang pagharap ng lalaking Discaya sa pagdinig noong Lunes.
“Di sila kwalipikado base sa ‘least guilty’ na pamantayan. Para sa akin, kasama sila sa most guilty sa corruption sa flood control projects,” pahayag ni Ridon.
Sa halip aniya na isailalim sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) ang mag-asawang Discaya ay dapat kasuhan ang mga ito ng mga non-bailable case tulad ng plunder at corruption of public officials.
“Gaya ng nabanggit ng isang miyembro namin sa komite, puwede silang kasuhan ng plunder at ang ebidensiya ay ‘yung mismong affidavit nila, kung saan inamin nila na involved sila sa corruption,” ani Ridon sa panayam matapos ang pagdinig.
Inayunan ng mambabatas ang pahayag ni Pasig City Rep. Vico Sotto na nais lamang ng mga Discaya na protektahan ang kanilang sarili kaya ilalaglag ng mga ito ang mga opisyales ng gobyerno na kanilang binayaran ng bilyones para makuha ang proyekto ng gobyerno na nagpayaman sa kanila.
Bukod dito, hindi umano kapani-paniwala ang mga affidavit ni Discaya dahil bagama’t inamin ng mga ito na nagsimula silang mangontrata ng flood control projects noong 2016 ay tanging ang mga politiko at opisyales ng Department of Public Works and Highway (DPWH) na nakatransaksyon ng mga ito mula 2022 ang kanyang naalala.
(BERNARD TAGUINOD)
