DISTRICT 1 DEHADO SA BULACAN REDISTRICTING

bulacan

PITONG kongresista, sa halip na lima ang nakatakdang ihalal ng mga residente ng 21 munisipalidad at tatlong lungsod sa Bulacan pagsapit ng Mayo, batay na rin sa Republic Act 11546 na nagtatakda ng karagdagang distrito para sa lalawigan.

Sa ilalim ng batas na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte, huhugot ng mga lokalidad na magiging bahagi ng 5th at 6th district, bagay na inalmahan ng mga residente ng 1st district na kinabibilangan ng Malolos City, dahil sa laki ng populasyon ng nasabing distrito.

Giit ni dating Malolos City Mayor Danny Domingo, hindi pumabor sa karapat-dapat na distrito ang reapportioning ng lalawigan, kung saan tanging ang mga 2nd, 3rd at 4th districts lamang ang saklaw ng nasabing batas na magkakatuwang na itinulak nina Reps. Lorna Silverio (3rd district), Jonathan Alvarado (1st district), Apol Pancho (2nd district) Henry Villarica  (4th district) at Rida Robes (lone district, San Jose del Monte).

Ani Domingo, mas angkop na hatiin sa dalawa ang 1st district kung saan nabibilang ang Malolos City, batay na rin umano sa itinakdang probisyon ng Saligang Batas kung saan nakalahad ang mga panuntunan para sa mga distritong kakatawanin sa Kongreso.

Partikular niyang tinukoy ang Article 6, Section 5, paragraph 3 ng Legislative Department ng 1987 Constitution na ang bawat legislative district ay mayroon dapat na pinakamaliit na bilang na 250,000 populasyon at isang kinatawan sa Kongreso.

Aniya, sa dami ng residente ng 1st district na may 717,000 populasyon batay sa 2020 census, dapat lamang umanong magkaroon ng dalawang kongresista.

“Each legislative district shall comprise, as far as practicable, contiguous, compact, and adjacent territory. Each city with a population of at least two hundred fifty thousand, shall have at least one representative,” sambit pa ng dating alkalde.

Dagdag pa niya, sukdulang nadehado ang unang distritong hindi lamang pinagkaitan ng karampatang representasyon sa kongreso kundi maging ang pondong dapat sana’y nadoble man lang kung naging patas ang reapportioning ng lalawigan.

Una na niyang isinulong ang pagtatalaga ng lone district para sa Malolos City at bukod na distrito naman para sa mga bayan ng Hagonoy, Paombong at Calumpit. At ang mga bayan ng Pulilan, isama sa bagong distrito. (ELOISA SILVERIO)

357

Related posts

Leave a Comment