RAPIDO ni PATRICK TULFO
TILA ayaw na magbigay ng update ang pamunuan ng Department of Migrant Workers (DMW) hinggil sa malalang problema sa balikbayan box.
Ilang buwan na rin ang nakalipas mula noong huling magbigay ng pagkakataon ang DMW na makapanayam namin sa programa natin sa radyo na “Rapido Ni Patrick Tulfo”.
Makalipas ang ilang buwan, tanging ang Bureau of Customs na lang ang nagbibigay sa amin ng update kung ano na ang hakbang na gagawin sa mga nakatenggang balikbayan box sa mga port.
Huling pakikipag-usap sa amin ng DMW ay tungkol pa sa natitirang mga container sa Davao Port. Pero wala nang narinig sa kanila kung ano ang plano sa mga container na nasa Manila Port, gayundin ang nasa Subic.
Tila umiiwas sa Rapido ang DMW. Alam naman nilang maraming nakaabang na mga OFW sa ating programa tungkol sa update sa kanilang mga kahon.
Napag-alaman natin na meron na palang radio program si Atty. Kiko De Guzman, isang beses kada linggo at gusto yata n’ya ay sa kanya na lang makinig ang mga OFW hinggil sa mga balikbayan box.
Nakalimutan yata ng DMW na sila ay ahensya ng gobyerno at tungkulin nilang magbigay ng update sa mga issue ng mga OFW at tungkulin nilang makipag-ugnayan sa mga programang katulad namin, dahil sa aming programa pumutok ang problemang ito.
Sa dami ng problema ng mga OFW, kakayanin ba ng programa ng DMW na talakayin ang lahat ng mga problema ng OFW sa loob ng isang oras sa isang araw sa loob ng isang linggo?
Sa pamunuan ng DMW, kami po sa Rapido ay katuwang at hindi ninyo kalaban. Nagtataka ako na umiiwas kayo sa amin e nandito nga ang programa upang magbigay tulong at suhestyon kung kinakailangan.
Lumalabas tuloy na nasa inyo ang problema dahil patuloy naman namin nakakausap ang BOC at itinuturo na sa inyong ahensya ang kakulangan ng aksyon sa kaso ng mga balikbayan box
