MULING nanawagan si dating Speaker at Taguig-Pateros Cong. Alan Peter Cayetano na gawing prayoridad ang overseas Filipino workers (OFWs) at ipasa na ang panukalang Department of Migrant Workers and Overseas Filipino (DMWOF).
“Siguro ang message ko lang sa lahat, itigil na nating sabihin na priority natin ang OFWs kung hindi natin ipa-prioritize,” pahayag ni Cayetano sa isang panayam.
“Kung bibigyan natin sila ng sariling departamento, 100 percent: walang gagawin ang Secretary kung hindi welfare nila at ‘yung mga bansa na mas mataas ang sweldo at mas maganda ang kalagayan, ma-open ang market sa mga Pilipino,” dagdag niya.
Ang panukalang DMWOF ay naipasa sa ikatlong pagbasa ng House of Representatives noong Marso 11, 2020 subalit hindi pa ito naipapasa sa Senado.
Nang tanungin kung bakit patuloy niyang itinutulak ang paglikha nito sa kabila ng pagsasara ng Second Regular Session ng Senado, sinabi ni Cayetano na pinalapit siya ng kanyang mga karanasan bilang Foreign Affairs secretary sa mga OFW, kung saan nakita niya ang kanilang pakikibaka at napagtanto ang pangangailangan na ituon ang pansin sa kanila at isama ang mga ito sa mga talakayan.
“Bakit OFW Department? Kahit ‘yung ate ko [si Senador Pia Cayetano], tinanong ako noon, ‘Hindi ba dagdag gastos?’ Sabi ko, ‘Unang una, ‘yung mga labor attaché – POEA, OWWA – i-aabsorb naman ‘yan ng OFW Department so hindi totoo na mas malaking gastos,'” paliwanag ng mambabatas.
Ikinalungkot din ni Cayetano ang isang pag-aaral na nakitang ang mga OFW na umuwi dahil sa pandemya ay nawalan ng trabaho.
“Siguro ‘yung 17 percent may naipon, nakapagnegosyo sila… but ‘yan ‘yung minority. ‘Yung majority kasi, marami diyan pinauwi rin na hindi sinuwelduhan,” dagdag niya.
Sa kabilang dako, ipinahayag ng mambabatas na bukas siya sa pagsali sa 2022 presidential race subalit mas makabubuti sa ngayon ay tutukan ang mga problema ng bansa tulad ng pag-ahon ng mga kababayan natin sa kahirapan dulot ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Rep. Cayetano, kahit sinong politiko, maging kapitan ng barangay, konsehal at iba pa ay nangangarap na maging presidente ng bansa subalit nararapat lamang na bago sila pumalaot sa pagtakbo at mangarap maging pangulo ay malaman ng taumbayan ang plano ng kandidato para sa kinabukasan ng bansa.
Nais ng dating House speaker na magkaroon ng public debate sa mga nagnanais tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa at ilatag ang kanilang plans and programs sa loob ng limang taon nang sa gayon ay may direksiyon ang pamamalakad sa bansa. (CESAR BARQUILLA)
