DOH, FDA IIMBESTIGAHAN ANG ILEGAL NA PAGPAPABAKUNA NI MON TULFO

HINDI porke “kolumnista” at “special envoy to China” si Ramon Tulfo ay ituturing siyang “sacred cow” sa pagpapaturok ng bakunang iligal na nakapasok sa bansa.

IIMBESTIGAHAN ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) ang kolumnistang si Ramon Tulfo, special envoy ng Pilipinas sa China upang malaman kung ano ang kanyang pananagutan sa ilegal na pagpapaturok ng bakuna ng Sinopharm.

Kung legal na proseso ang pag-uusapan, dapat wala pang bakuna ang Sinopharm sa bansa.

Kahit bakuna mula sa ibang kumpanya ay hindi pa nakararating sa Pilipinas hanggang ngayon, kabilang ang bakuna mula sa Sinovac na iniyabang dati ni Presidential Spokesperson Harry Roque Jr. na “nakataga na sa bato” na darating sa Pebrero 24 ay wala pa.

Nabunyag ang ilegal na ginawa ni Tulfo nang isiwalat niya mismo sa kanyang kolum sa The Manila Times nitong Sabado.

Ipinaliwanag pa ni Tulfo na naganap ang pagbabakuna nitong nakalipas na taon sa isang programa ng TV 5.

Ayon sa ibinunyag ni Tulfo, kasama niya ang ilang opisyal ng pamahalaan na “Cabinet Level” ang antas, isang senador at ilang miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

Ilang ulit nang sinabi ni FDA Director Eric Domingo na wala pang ibinibigay ang FDA na Emergency Use Authorization sa Sinopharm.

Ani Domingo, ipapasa nito sa “regulatory enforcement unit” ng FDA ang ginawa ni Tulfo upang imbestigahan ito.

Ipinaliwanag ni Domingo sa press briefing na “We are investigating [Tulfo’s admission] because it is not good that we learn that there are individuals who get vaccinated without going through the right process”.

Sinegundahan din ni DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire na iimbestigahan si Tulfo.

Nilinaw ni Domingo na kahit ang mga kasapi ng PSG ay sinimulan nang imbestigahan ng FDA sa ginawa nilang pagpapabakuna ng Sinopharm.

Hindi pa tapos ang imbestigasyon. (NELSON S. BADILLA)

296

Related posts

Leave a Comment