NAGSASAGAWA na ngayon ang Department of Health (DoH) ng emergency hiring para sa mga health worker.
Nakarating kasi sa Malakanyang na ang mga health worker sa Cebu ay burnout na at pagod na sa trabaho dahil sa pagdami ng mga pasyente na tinamaan ng COVID-19.
Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, first priority na ngayon ang Cebu kapag dumating ang mga biniling personal protective equipment (ppe), ventilators at iba pa.
“Sa kakulangan po sa parehong pribado at pampublikong hospital, nagha-hire na po ang DOH. They have resorted to emergency hiring para po maibsan iyong kakulangan. Pagdating po sa PPE, ventilators, kung anong kinakailangan nila, first priority po ngayon ang Cebu,” anito.
Hindi na rin dapat mag-alala ang mga health worker sa Cebu dahil may kaukulang kumpensasyon ang lokal na pamahalaan.
Bukod pa sa magdadagdag na rin ng pondo ang pamahalaan para sa mga contact tracer.
Ang pakiusap ni Sec. Roque sa mga health worker ay kaunting pasensya pa dahil tinutugunan na ng pamahalaan ang kanilang mga pangangailangan.
“Ang alam ko po, ang gobyerno ng lokal ng Cebu ay nagbibigay na po ng subsidy sa lahat po ng mga health workers dahil nga po sa tindi ng problema diyan sa Cebu.”
“At pagdating naman po sa contact tracers, well, kasama rin po iyan sa second Bayanihan Act. Magbibigay pa tayo ng mas malaking pondo at mas marami pang contact tracers. Kaunting pasensiya lang po,” pahayag pa ni Sec. Roque. (CHRISTIAN DALE)
