POSIBLENG maging dahilan ng muling pagkalat ng COVID -19 ang mga punuang sasakyan na ikinababahala ng Department of Health (DOH).
Ito’y matapos maobserbahan na higit sa kapasidad ng mga pampublikong sasakyan ang isinasakay ngayong Alert Level 1 na sa Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.
“Ang isa pong nakababahalang nakikita natin would be our transport sector. Mukhang bumalik po tayo doon sa pre-pandemic kung saan beyond 100 percent capacity po ang nakikita natin sa mga sasakyan na pampubliko,” ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Kaya nananawagan ang DOH sa mga operator at tsuper na huwag magsakay ng higit sa 100 percent na kapasidad. Nanawagan din ang ahensya sa mga lokal na pamahalaan na mahigpit itong ipatupad at bantayan ang public transport sa kanilang nasasakupan.
Una nang ipinaalala ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga bus operator na mahigpit na ipinagbabawal ang ‘standing’ o tayuan ng mga pasahero at sabit sa mga jeep kahit maluwag na ang alert level sa Metro Manila. ( RENE CRISOSTOMO)
