MAHIGPIT na monitoring ang isinasagawa ng Department of Health (DOH) sa anim na mga lugar sa bansa na nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19 nitong nakaraang linggo.
Ang mga lugar ay kinabibilangan ng Cebu City, Cebu province, mga lungsod ng Mandaue at Lapu-lapu sa Cebu, Quezon City at Maynila.
Sa ulat mula kay Health Undersecretary Rosario Vergeire, nananatili pa rin sa 7.7 kada araw ang case doubling rate at 60% lamang sa critical care facilities ng bansa ang nagagamit.
KASO SA MUNTINLUPA, 505
INIULAT ng pamahalaang lungsod ng Muntinlupa na mayroon na silang 505 kumpirmadong kaso ng COVID-19.
Nitong Lunes ng alas-7:35 ng gabi, may 160 aktibong kaso sa lungsod. 377 ang ikinokonsiderang probable case at 234 ang suspected cases.
Iniulat din ang 306 recoveries sa lungsod habang 39 ang nasawi.
MANDALUYONG, HIGIT 1K KASO
NAKAPAGTALA naman ng 1,050 kaso ng COVID-19 positive ang Mandaluyong City.
Sa datos mula sa Mandaluyong City Health Department, hanggang alas-4:00 ng hapon nitong Lunes, nakapagtala ng 14 bagong kaso ng infected sa lungsod.
Sa 1,050, 254 ang aktibong kaso, 127 ang itinuturing na probable cases habang 750 ang suspected cases at 3,904 ang cleared na.
Nadagdagan naman ng 18 ang mga gumaling kaya mayroon na itong 736 total recoveries habang 68 ang nasawi.
HIGIT 1K DIN SA PARANAQUE
UMAKYAT naman sa 1,278 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod ng Parañaque.
Nabatid na 402 o 31.4 porsyento ang aktibong kaso sa lungsod.
Ang total recoveries ay 812 at 64 ang nasawi.
KASO SA BUONG MUNDO TUMAAS PA
SUMIPA na sa 11,549,995 ang kabuuang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19 sa buong mundo.
Sa naturang bilang, 4,424,259 (99%) ang nasa mild condition at 58,509 (1%) naman ang serious o critical condition.
Nangunguna pa rin ang Estados Unidos sa mga bansang may kaso ng COVID-19, kung saan may 2,982,381 infected at 132,568 fatalities.
Kasunod ang Brazil, pangatlo ang India, pang-apat ang Russia at panglima ang Peru.
Ang mga nasawi naman ay umakyat na sa 536,444 at 6,530,783 ang mga gumaling.
