DOH PINAKIKILOS SA PATULOY NA PAG-ABUSO NG ILANG OSPITAL

PATULOY sa pag-abuso ang ilang ospital kaya nais alamin ng isang senador ang aksyon ng Department of Health (DOH) upang matigil ito.

Pinakikilos ni Senador Christopher Lawrence Go ang DOH para tugunan ang sumbong na may ilang ospital ang tumatangging tumanggap ng pasyente sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Hiniling din ni Go sa National Task Force on COVID-19, Department of Justice at National Bureau of Investigation na silipin ang isyu at panagutin ang mga hospital administrator na mapatutunayang guilty sa bigong pagbibigay ng kanilang medical services.

Hindi rin nito naiwasang usisain kung nagsagawa na ng imbestigasyon ang DOH at ano na ang status ng imbestigasyon.

Sinabi ni Go, chairman ng Senate Committee on Health, dati na nitong ipinanawagan na aksyunan ang mga report na ilang ospital ang nagtataboy ng pasyente na nangangailangan ng tulong.

Binigyang-diin ng senador na nasa gitna ng pagbusisi ang health sector kasunod ng balitang isa na namang pasyente ang namatay matapos itaboy ng ospital nang hindi binibigyan ng kahit napaunang lunas man lamang.

Una nang nagpahayag ng galit ang pamilya ng nasawing si Richmond Rondanilla na isang government worker na hindi tinanggap ng ilang ospital sa Metro Manila kahit nasa delikadong kondisyon na ito sanhi ng mga sintomas ng COVID-19.

Ipinaalala ni Go ang Republic Act 10932 na nagsasabing pinapayagan ang transfer ng pasyente pero dapat ay mabigyan muna ng paunang lunas partikular sa emergency cases. (NOEL ABUEL)

111

Related posts

Leave a Comment