IPINAALALA ng Department of Health (DOH) sa mga magulang at guardian na hindi sapilitan ang pagbabakuna sa mga edad 5 hanggang 11.
Ito ay bilang pagsiguro ng ahensya na walang karapatan na malalabag sa isinasagawang pagbabakuna kontra COVID-19 sa nasabing age group.
Paliwanag ni Health Undersecretary Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccination Operations Center, hindi mandatory ang pagbabakuna at kagaya lamang ito ng pagbabakuna sa edad 12 hanggang 17 na kailangan ng consent form na may pirma ng magulang o guardian.
Muli ring tiniyak ng DOH na ligtas ang bakuna at walang dapat ipangamba kahit na emergency use authorization pa lamang ang mayroon sa mga ito dahil mas lamang ang benepisyo nito kaysa panganib.
Samantala, sinabi ng isang eksperto na pareho lang ang vulnerability ng mga batang nasa 5 hanggang 11 age group at elders na hindi bakunado laban sa COVID-19.
Sinabi ni Infectious Disease Expert Dr Rontgene Solante sa Laging Handa public briefing na may panganib ding makuha ng lima hanggang 11 taong gulang ang severe COVID infection kung hindi pa protektado ng bakuna.
Importante aniya na maintindihan ito ito ng mga magulang lalo pa’t nakikita nilang target din ang mga bata ng virus na gaya ng mga senior ay maaaring malagay sa severe condition kung hindi protektado.
Marahil, ani Solante, kailangan lamang ma-educate pa ang mga magulang lalo na’t may mga nagpapahayag pa rin ng pangamba sa pagbabakuna.
Iginiit din ni Solante na kung side o adverse effects naman ang maranasan, itoy mga mild lamang gaya ng sakit sa brasong tinurukan ng bakuna, sakit sa ulo at sakit sa ilang bahagi ng katawan na sa loob aniya ng 24 hanggang 48 oras ay mawawala rin. (CHRISTIAN DALE)
