(RUDY SIM)
MISTULANG desperado na ang Department of Justice (DOJ) para masigurong maipapanalo ang kanilang kaso laban kay Negros Oriental 3rd district Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Nababahala ang abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, na gagawin ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla ang lahat para hindi matalo ang kaso matapos ang pagbawi sa naunang pahayag ng mga suspek sa Degamo murder.
Ayon kay Topacio, may intelligence report silang natanggap na may ilang opisyales ng DOJ ang tinapatan ang naunang akusasyon ni Remulla na binayaran ng kampo ni Teves ang mga suspek ng halagang P8 milyon upang baliktarin ang kanilang salaysay laban sa kongresista at nag-alok ng umaabot sa P10 milyon sa suspek na hawak ngayon ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Marvin Miranda upang idiin si Teves sa kaso.
Si Miranda kasama ng sampung iba pa ang kamakailan ay binawi ang kanilang pagdawit sa krimen kay Teves dahil umano sa pananakot sa kanilang pamilya at pag-torture sa mga ito upang ituro ang kongresista bilang mastermind sa nangyaring madugong Pamplona massacre.
Pinangangambahan umano ni Topacio na desperado na ang DOJ na maipanalo ang kaso kahit taliwas ito sa katotohanan at walang matibay na ebidensyang nag-uugnay kay Teves sa krimen kaya’t gagamitin ng mga ito bilang huling baraha si Miranda.
Nauna nang ipinahayag ni dating chief Presidential legal counsel, Atty. Salvador Panelo na malaking problema ng DOJ ang pagbawi ng mga suspek sa kanilang naunang salaysay na maaaring magresulta ng pagkatalo ng pamahalaan upang madiin si Teves sa kaso.
Kaugnay nito, tila isang batang paslit na nagsumbong si Remulla sa Supreme Court dahil umano sa paggamit ni Teves ng social media para sagutin ang mga banat sa kanya. Bagamat bakas sa mukha ni Remulla ang pagkapikon sa simpleng banat ni Teves na inakusahang terorista ay idinaan na lamang ng kongresista sa isang sayaw kung paano ito mag-training.
