HINIMOK ng Department of Justice (DOJ) ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) na makipag-ugnayan sa departamento hinggil sa sinasabing reklamo kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado.
Reaksyon ito ng DOJ sa gitna ng isyu na nagpadala umano ng “white paper” ang ilang tauhan ng BI sa Office of the President para ireklamo si Viado sa isyu ng korapsyon at misconduct sa paghawak ng mga kasong may kaugnayan sa POGO at deportation ng mga dayuhang ilegal na nagtatrabaho sa bansa.
Ayon kay DOJ Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano, mahirap aksyunan kung walang matibay na batayan ang reklamo.
Kaugnay nito, sinabi ni Clavano na mas mainam kung ang mga tauhan ng Immigration ay makipag-ugnayan mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para sa kanilang reklamo.
Aminado naman si Clavano na posibleng may pulitikang nagaganap sa loob ng ahensiya.
Pinabulaanan
Nauna rito, itinanggi ni Viado ang mga paratang na kanyang tinawag na malisyoso at walang katotohanan.
Ani Viado, ito ay bahagi ng orchestrated at well-funded smear campaign laban sa ahensya.
Tiniyak niya ang buong kooperasyon ng BI sakaling magsagawa ng imbestigasyon ang anomang ahensya ng pamahalaan.
Kasalukuyan na rin umanong natukoy ng BI ang mga nasa likod ng kampanyang paninira.
Ayon pa sa opisyal, posibleng konektado sa kampanyang ito ang ilang dating opisyal at empleyado ng BI na naapektuhan ng ipinatutupad na “one-strike policy” at mga reporma sa loob ng ahensya.
Giit niya, hindi siya magpapatinag at itutuloy ang kanyang mandato na linisin ang sistema sa kabila ng mga banta at black propaganda.
(JULIET PACOT/JOCELYN DOMENDEN)
