SINAMPAHAN ng Department of Justice (DOJ), sa pamamagitan ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ng criminal information sina Emilio Zosa at kanyang mga kapwa akusado na sina Arturo Deborborn, Ricky Calagos, Reymart Antivo, at Sofronio Medoranda kaugnay ng 2017 Manas ambush case, na natanggap ng husgado noong Marso 19, 2026.
Ang kasong murder ay isinampa ng DOJ matapos matukoy na ang ebidensiya na kanilang nakalap ay sapat na sa kinakailangang pamantayan sa ilalim ng umiiral na DOJ standards.
Nag-ugat ang kaso sa isang ambush noong Hulyo 23, 2017 sa Sta. Margarita Samar, na ikinamatay ni Enrique Manas Sr. at nagdulot ng malubhang pinsala sa iba pang kasamahan nito.
Ang hakbang na ito ay nagpapatupad ng resolusyon noong Enero 16, 2025 na inisyu ni dating Kalihim ng Katarungan Jesus Crispin Remulla na nag-atas ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa mga nasabing akusado.
Halos siyam na taon matapos ang malagim na ambush, tinitiyak ng hakbang na ito ng DOJ na maipagpapatuloy na sa paglilitis ang kaso sa hukuman, kung saan ang mga akusado ay kailangang sumagot sa mga isinampang paratang laban sa kanila.
Malugod na tinanggap ng pamilya Manas ang hakbang na ito ng DOJ at nananawagan sila ng isang mabilis at tuloy-tuloy na paglilitis ng kaso. (TM)
51 