BOC NAGTALA NG ALL-TIME HIGH NA P239.05-B COLLECTION SA Q1 2026

NAKAPAGTALA ang Bureau of Customs (BOC) ng pinakamataas nitong first-quarter revenue collection sa kasaysayan matapos makalikom ng P239.054 bilyon mula Enero hanggang Marso 2026.

Inanunsyo ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno na nalampasan ng ahensya ang target na P236.060 bilyon ng P2.994 bilyon o 1.3% higit sa inaasahan.

Mas mataas din ito ng P7.677 bilyon o 3.3% kumpara sa koleksyon sa kaparehong panahon noong 2025.

Ayon sa BOC, nananatiling malakas ang performance ng ahensya, at ang nasabing quarter ay isa sa pinakamataas na naitala—nalampasan lamang ng record-breaking collection noong Hulyo hanggang Setyembre 2025.

Sinabi ni Nepomuceno na bunga ito ng pinaigting na reporma at mas mahigpit na pamamahala sa Bureau.

“Ang pinakamataas nating first-quarter collection na P239.054 bilyon, kasama ang P2.994 bilyong surplus, ay patunay na ang integridad, accountability, at modernisasyon ang nagtutulak sa ating performance,” ani Nepomuceno.

Iniuugnay ng BOC ang pagtaas ng koleksyon sa mas pinaigting na operasyon sa mga pantalan, matagumpay na public auctions ng mga nakumpiskang kalakal kabilang ang smuggled high-end vehicles, at pinalakas na post-clearance audit.

Sentro rin ng mga reporma ang Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Program na layong palakasin ang transparency at professional service sa ahensya.

Ang koleksyon ng BOC ay bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng fiscal priorities ni Finance Secretary Frederick D. Go na palakasin ang revenue generation ng pamahalaan. (BP)

44

Related posts

Leave a Comment