DOLE, HINIMOK SIYASATIN ANG DELAY SA SWELDO NG MGA WORKER SA DEPED TV

HINIMOK ni Senador Win Gatchalian ang Department of Labor and Employment (DOLE) na imbestigahan ang reklamong pagkaantala ng sahod ng maraming media and production workers na kinuha para bumuo ng mga programang ipalalabas sa DepEd TV.

Ang tinutukoy nilang kumpanya ay ang Ei2 Tech, Inc. na pagmamay-ari ng television host na si Paolo Bediones.

Ayon sa ilang manggagawa, hindi nila natanggap ang kabuuan ng kanilang sahod simula pa noong Setyembre ng 2020.

Ayon sa mga nagrereklamong executive producers (EP), pinangakuan sila ng kumpanya na matatanggap nila ang kanilang sahod noong Disyembre 18, 2020 ngunit hindi ito nangyari, sa halip ay nagpatuloy raw sila sa pagtatrabaho kahit walang natatanggap na sweldo.

Noong Disyembre rin ay napwersang sumulat ang ilang EPs kay Bediones upang malaman ang dahilan kung bakit hindi sila nakakasahod.

Pero ikinagulat ng mga manggagawa na pinagbantaan pa raw sila ni Bediones na kakasuhan ng libel noong nag-leak sa media ang kanilang mga hinaing.

Ipinaliwanag naman ng DepEd, boluntaryo lamang noong una ang pakikipag-ugnayan nila sa Ei2 Tech, Inc.

Kalauna’y ginawa na itong opisyal noong Disyembre 29, 2020 nang ipinagkaloob ng ahensiya sa kumpanya ang kontratang nagkakahalaga ng higit apatnaput limang (45.5) milyong piso para sa pagpapatuloy ng proyektong DepEd TV.

Noong ikalawang linggo ng Marso, nagpaluwal ang DepEd ng paunang bayad na siyam (9) na milyong piso sa kumpanya.

May kabagalan nga lang anila ang proseso sa accounting. Samantala, ang ikalawang bahagi ng proyekto ay nagkakahalaga ng dalawang daang (200) milyong piso at kasalukuyang dumadaan pa sa proseso ng bidding.

“Ang mga media workers na naging bahagi ng DepEd TV ay may malaking ambag sa pagpapatuloy ng edukasyon ngayong panahon ng pandemya kaya dapat naman siguraduhin natin na hindi nahuhuli ang bayad sa kanila bilang sukli sa kanilang serbisyo,” saad ni Gatchalian.

Ibinahagi rin ng mga EPs na ang ipinangakong buwanang sahod sa kanila ay P50,000 hanggang P60,000 na kalauna’y nauwi sa P3,750 na lamang kada tao sa bawat episode.

At dahil hindi sila mga regular na empleyado, sila ay itinuturing na “suppliers” kaya kailangan raw nilang magpakita ng official receipts (ORs).

Pero kung wala naman, magbayad na lang raw sila ng tig-P5,000 sa kumpanya para sa OR.

Nagsimulang umarangkada noong isang taon ang DepEd TV bilang alternatibong pamamaraan ng pag-aaral sa new normal. (DANG SAMSON-GARCIA)

177

Related posts

Leave a Comment