TAYTAY, Rizal – Mahigpit na kinontra ng isang kagawad ng barangay ang tangkang reimbursement sa mga diumano’y donasyon lamang mula sa pribadong sektor.
Sa isang panayam, ibinunyag din ni Roy Tapawan, finance committee chairman ng Barangay Dolores, na pilit umano silang pinalalagda ni Barangay Dolores Chairman Allan de Leon sa isang resolusyong magbibigay sa kanya ng pahintulot na bayaran ang P13 milyong halaga ng mga gamot, PPEs, alcohol at iba pang donasyon sa kanilang barangay nitong mga nakaraang buwan.
Ayon kay Tapawan, bagamat mayroon silang P3.5 milyon Calamity Fund, naglaan lamang ang kanilang barangay ng P700,000 para sa kanilang gastusin kaugnay ng kanilang local COVID-19 response, batay na rin sa kagustuhan ng Kapitan. Gayunpaman, laking gulat niya nitong nakalipas na buwan ng Hunyo sa tangkang pagpapapirma ng isang resolusyong humihingi ng authorization sa konseho na gamitin ang kanilang Internal Revenue Allotment.
“Nagpatawag ng sesyon si Kapitan at humihiling na aprubahan ng konseho ang nagastos during pandemic amounting to almost P13 million,” saad ni Tapawan sa isang recorded interview.
Kanya umanong napagtanto, ang lumalabas na gastusin ay supplies – relief food packs, gamot, pagkain ng frontliners, PPEs, at iba pa ay puro donasyon mula sa pribadong sektor at mga kapitalistang may malalaking negosyo sa kanilang barangay – at kung mayroon mang totoong gastusin ang barangay, di ganun kamahal.
Sinita rin umano siya ni de Leon sa aniya’y “pagdududa” sa mga gastusin.
Sagot naman ni Tapawan, marapat lamang naaayon sa tamang proseso ang bawat gastusin ng pamahalaan, malaki man o maliit, lalo pa’t higit na dapat pagtuunan ng pamahalaan ay ang mga pangangailangan ng mga mamamayan ngayong panahon ng pandemya.
Pinabulaanan naman ni de Leon ang mga paratang.
“Not true, Wala kaming pinababadyetan na P13 million.
Ang hinihingi ko sa aming konseho ay authorization para gamitin ang 20% development fund para mabayaran ang mga nagpautang sa amin ng supplies para sa COVID-19 response.” (FERNAN ANGELES)
