INATASAN na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DOTr at CAAP na makipag-ugnayan sa Malaysia at Singapore matapos matukoy na posibleng doon itinatago ang helicopter at eroplano na pag-aari umano ni dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy “Zaldy” Co.
Ayon sa Pangulo, ang mga aircraft ay naka-rehistro sa Misibis Aviation and Development Corporation, kumpanyang pagmamay-ari umano ni Co. Ngunit dahil sa freeze order ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), bawal nang galawin o gamitin ang mga ito.
“Hindi puwedeng gamitin ang mga ari-arian na galing sa kaban ng bayan para tumakas o umiwas sa batas.”
“You cannot steal from the Filipino people and expect to hide or fly away on your private jets… you may have the money to run, but you cannot outrun the Republic of the Philippines,” ayon sa Pangulo.
Nanawagan pa ang Pangulo sa mga pugante na umuwi na sa bansa.
“Ang payo ko sa inyo: hindi na kayo turista — hinahabol na kayo ng batas.”
Samantala, kinumpirma rin sa kanya ng DOJ na si dating DPWH-Bulacan engineer Henry Alcantara ay nagbalik na ng ₱110 milyon, at may inaasahang ₱200 milyon pang isasauli sa loob ng dalawang linggo.
“This government intends to bring back every peso, every asset, every person responsible — and return it to the Filipino people,” diin ni Marcos.
(CHRISTIAN DALE)
54
