SWAK sa kasong administratibo si DPWH Engineer Henry Alcantara, ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon.
Si Eng. Alcantara ay dating District Engineer ng DPWH Bulacan 1st District Engineering Office na nasangkot sa maanomalyang mga proyekto sa Lalawigan ng Bulacan.
Binigyang diin ni Dizon sa kanyang pitong pahinang desisyon, na napatunayang may pananagutan si Engineer Alcantara sa mga sumusunod na mabibigat na kasong administratibo: Disloyalty to the Republic of the Philippines and to the Filipino People; Grave Misconduct; Gross Neglect in the Performance of Duty, at Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service, alinsunod sa Sections 63 (A)(1)(d), (f), (h), at A(2)(a), Rule 10 ng 2025 Rules on Administrative Cases in the Civil Service.
Ang pagbusisi sa mga palpak na proyekto ng gobyerno ay bilang tugon na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na papanagutin ang mga tiwaling opisyal na sangkot sa mga proyektong hindi napakikinabangan ng taumbayan.
Diin pa ni Dizon, magsisilbi itong babala sa mga opisyal at kawani ng DPWH na responsable sa ghost at substandard projects, dahil kagaya nga ng sinabi ni Pangulo, hindi hahayaan na hindi mapanagot ang mga tiwali sa pamahalaan,
Kasunod nito, magrerekomenda sa kaukulang tanggapan ang DPWH upang maghain ng criminal charges laban kay Engineer Alcantara at iba pang sangkot na indibidwal upang makamit ang hustisya sa kanilang ginawang pambababoy sa kaban ng bayan.
Nauna nang pinangalanan ni Secretary Dizon ang mga susunod na sasampahan ng kasong administratibo at kriminal kabilang sina dating Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, Construction Section Chief Engineer Jaypee Mendoza, at Accountant III Juanito Mendoza na mula lahat sa Bulacan 1st District Engineering Office.
(JOCELYN DOMENDEN)
