DPWH GIGISAHIN SA BILYONG FLOOD CONTROL PROJECTS

IGINIIT ng Makabayan bloc sa Kamara sa dalawang kapulungan ng Kongreso na busisiin ang lahat ng flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ginagastusan ng P1 bilyon kada araw.

Ginawa ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas ang panawagan dahil sa kabila ng P349,332,963,000 pondo sa flood control projects ay mas lumala ang baha sa Metro Manila at karatig-lalawigan matapos manalasa ang super typhoon Carina.

“Bilyun-bilyong pondo ang nilalagak daw para sa flood control projects pero taon-taon ding nagdurusa ang mamamayan sa walang humpay na baha tuwing tag-ulan. Kailangang malaman ng taumbayan saan napupunta ang pondong ito,” ani Brosas.

Sa datos na inilabas ni ACT party-list Rep. France Castro, P71,190,002,000 ang inilaang pondo sa 2024 general appropriations act (GAA) para sa DPWH /Convergence and Special Support Program (SIPAG )Flood Mitigation Structures protecting Public Infrastructure/Facilities.

Meron din aniyang P144, 040, 506, 000 para sa Flood Management Program Construction/Maintenance of Flood Mitigation Structures and Drainage Systems; P100, 537, 405,000 para sa Flood Management Program Construction/Rehabilitation of Flood Mitigation Facilities with Major River Basins and Principal Rivers; P33, 565, 050,000 para sa Convergence and Special Support Program at P100, 537, 405,000 para sa Flood Management Program Construction/Rehabilitation of Flood Mitigation Facilities with Major River Basins and Principal Rivers.

“This does not include foreign assisted projects purportedly for flood mitigation, but it already totals to P349,332,963,000 or P957,076,610.9589 per day of flood control funds. That is almost P1 billion of funds a day, but they failed catastrophically to do their jobs,” ani Castro.

Dahil dito, bubusisiin umano ng mga ito ang pondo ng DPWH para sa susunod na taon kapag nagsimula na ang budget hearing at iginiit na dapat may managot sa patuloy na pagbaha kahit ginagastusan ito ng halos P1 bilyong piso para araw.

Disenyo Pinababago

IMINUNGKAHI ni Senador Sherwin Gatchalian na baguhin o iredesign ang flood control projects sa bansa.

Ito ay kasunod ng naranasang malawakang pagbaha sa Metro Manila at mga karatig lalawigan sa pananalasa ng Bagyong Carina.

Sinabi ni Gatchalian na mahalagang ikonsidera sa disenyo ang mabilis na urbanization at pagtaas ng populasyon.

Kailangan din anyang lakihan ang drainage systems, walang mga bara at regular na isailalim sa dredging o paghuhukay ang mga waterways bukod pa sa tiyaking coordinated ang pangangasiwa sa mga dam.

Sa obserbasyon ni Gatchalian, ang naranasang pagbaha sa Valenzuela at iba pang bahagi ng Metro Manila ay dulot ng matinding buhos ng ulan na nasabayan ng high tide at pag-apaw ng tubig sa mga dam at upstream.

Pinuna rin ni Gatchalian na hindi nabigyan ng PAGASA ng maagang babala ang local government units kaya marami sa kanilang constituents ang na-trap sa loob ng kanilang bahay. (BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)

267

Related posts

Leave a Comment