DRIVE-THRU COVID -19 BOOSTER SHOTS SINIMULAN SA MAYNILA

SINIMULAN na ang drive-thru booster vaccination para sa motorcycle at bicycle riders nitong Sabado sa lungsod ng Maynila.

Ang pagtatayo ng naturang special drive-thru vaccination hub ay ipinag-utos ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential candidate Francisco “Isko Moreno” Domagoso, para kaagad na mabigyan ng booster shots ang mga rider ng bisikleta at motorsiklo.

Pinasalamatan naman ni Moreno ang 1,000 miyembro ng iba’t ibang bike at motorcycle riders’ organizations na nagpabakuna para mabigyan sila ng ekstrang proteksiyon laban sa COVID-19.

Ayon sa alkalde, sa tulong nina Vice Mayor Honey Lacuna, Manila Health Department chief, Dr. Arnold Pangan at Manila Traffic and Parking Bureau Chief Dennis Viaje, matagumpay na nabigyan ng booster shots ang riders sa Kartilya ng Katipunan side ng Bonifacio Shrine, sa tabi ng Manila City Hall.

Ang aktibidad ay sinimulan ng alas-8:00 ng umaga at natapos ng alas-5:00 ng hapon.

Naging mabilis ang bakunahan at kinailangan lamang ng riders na magpakita ng kanilang vaccination IDs, kahit saang lugar man sila nagpaturok ng kanilang primary series, o unang dalawang doses ng bakuna.

“Bigyan po natin ng dagdag-proteksyon ang ating sarili laban sa COVID-19 sa tulong ng pagbabakuna ng booster shots. Umasa naman po kayo na kasama ninyo ang buong pamahalaan ng lungsod ng Maynila dito sa pandemya na ito,” ayon sa alkalde.

Idinagdag pa niya na ang city government ay mayroong 300,000 doses ng lahat ng brands ng mga bakuna laban sa COVID-19 sa kanilang storage facility.

Siniguro rin ng alkalde na nananatili ang open policy sa Maynila at maging ang mga hindi residente ng lungsod ay maaaring magpaturok ng bakuna doon.

“Kahit hindi taga-Maynila ay welcome magpa-bakuna. Ang COVID, walang pinipili. Mas madami tayong maproteksyunan, mas mabuti… Ang hiling lang namin ay maging responsable kayo at kami naman ni Vice Mayor Honey Lacuna ay patuloy na magiging masinop at episyente sa pagbibigay-serbisyo sa inyo,” pahayag pa ng alkalde. (RENE CRISOSTOMO)

456

Related posts

Leave a Comment