DRIVER NG SUV DAPAT MAKULONG AT MATANGGALAN NG LISENSIYA

RAPIDO Ni PATRICK TULFO

HINDI pa rin nagpapakita sa mga awtoridad ang driver ng Toyota RAV4 na sumagasa sa kaawa-awang guwardiya na nagmamando lang ng trapiko sa panulukan ng Julia Vargas Avenue at St. Francis St. noong Linggo.

Ang guwardiya ay kinilalang si Christian Joseph Floralde, 31-anyos, na nagpapagaling na ngayon sa isang pribadong ospital sa Mandaluyong City matapos mabali ang tadyang at nasugatan sa ulo.

Nag-viral sa social media ang naturang insidente matapos na makunan ito ng dash camera ng isang sasakyan na kasalukuyang nakahinto sa mga oras na iyon. Makikitang sinubukang pahintuin ni Floralde ang puting Toyota SUV na may plakang NCO 3781, pero imbes na huminto ay tinumbok nito ang guwardiya na napaupo dahil sa pangyayari pero imbes na huminto ay sinagasaan pa ito ng nagmamanehong suspek.

Ayon sa record ng Land Transportation Office (LTO), nakapangalan ang naturang SUV sa isang Jose Antonio San Vicente na nakatira sa Ayala Heights sa Quezon City. Nagpadala na raw ng surrender feelers ang suspek sa mga awtoridad pero hindi pa rin ito nagpapakita habang sinusulat ang pitak na ito.

Hindi rin ito dumalo sa ipinatawag na pagdinig ng LTO nitong June 7 (Martes). Ayon sa ahensiya, nanganganib na matanggalan ng lisensiya ang driver ng SUV na anak umano ng may-ari nito. Nahaharap sa mga kasong frustrated murder at abandonment of one’s victim ang suspek.

Iba na talaga ang panahon ngayon, dahil sa social media at availability ng gadgets tulad ng dashcam at smartphones, nauna pang lumabas ang video sa social media bago ito lumabas sa balita. Kung hindi pa nakunan ng dashcam o dashboard camera ang mga pangyayari baka natagalan pa ang imbestigasyon ng kapulisan ukol dito.

Naalala ko tuloy ang karumal-dumal na pagbaril ng pulis na si Sgt. Nuezca sa mag-inang nakaaway nito sa Tarlac, mahigit isang taon na ang nakararaan. Nakunan din ito ng camera ng isang smartphone at nai-post din sa social media bago ito lumabas sa balita. Malaki ang naging papel ng gadgets na ito sa paglutas ng krimen.

Sa nangyaring hit-and-run sa Mandaluyong, hindi dapat magpaareglo ang guwardiya rito at ituloy ang kaso dahil kahit naman hindi ito umareglo ay kailangan pa rin nitong bayaran ang magagastos sa pagpapagamot sa biktima. Pwede rin humingi ng danyos sa korte laban sa suspek si Floralde kaya hindi na nito kailangang iatras ang kaso kung sakali para makulong ang suspek.

At kahit pa magpakita ang suspek sa ikalawang pagdinig ng LTO ngayong Biyernes, wala akong makitang dahilan upang hindi kanselahin ng ahensiya ang lisensya nito. Sobra-sobra nang ebidensiya ang napanood nating video upang hindi na makapagmaneho ang ungas na ito dahil makukulong din naman ito sa mahabang panahon kapag nagkataon.

244

Related posts

Leave a Comment