SA kabila pa ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa pesteng droga, isang banyaga ang dinakip ng mga operatiba kaugnay ng P1.3-milyong halaga ng shabu na nabistong kalakip ng isang kargamentong lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kamakalawa.
Sa isang kalatas ng Bureau of Customs (BOC), arestado sa controlled delivery operation sa lalawigan ng Cavite ang 25-anyos na suspek na kinilala sa pangalang Jolle Anne Cuer, sa aktong pagtanggap ng drogang laman ng bagaheng idineklarang “Deep Tissue Massage” mula sa South Africa.
Bago pa man ikinasa ang pinagsanib na operasyon ng BOC-NAIA, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Inter-Agency Drug Interdiction Task Force, una nang nabisto gamit ang mga modernong X-ray scanners ng kawanihan ang nasa 200 gramo ng “methamphetamine hydrochloride” na inilagak sa DHL warehouse.
Nito lamang nakaraang linggo, arestado rin sa Las Piñas ang isang Nigerian national sa isinagawang controlled delivery operation sa aktong pagtanggap din ng P89-milyong halaga ng drogang ikinubli naman sa mga paketeng gamit sa “snacks”.
Samantala, nanawagan si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa mga kawani ng iba’t ibang ahensyang may tanggapan sa mga paliparan at pantalan na mas maging alerto sa pagpasok ng mga drogang itinatago sa “self-sealing foil pouches” na karaniwang gamit sa packaging ng mga sitsirya.
(CREMA LIMPIN)
411