KINUMPIRMA ng Department of Justice na binawian ng buhay ang umano’y drug lord na si Vicente Sy, makaraang atakihin sa puso sa loob ng New Bilibid Prison Hospital sa Muntinlupa City.
“I have just been informed that Vicente Sy has died… But I still have to receive a formal report about it,” ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra.
Kinumpirma rin ni Bureau of Corrections (BuCor) Spokesperson Gabriel Chaclag ang pagpanaw ni Sy noong Huwebes ng gabi sa NBP Hospital bago maisugod sa Ospital ng Muntinlupa.
Nabatid na mula sa New Bilibid Prison (NBP), inilipat si Sy sa Philippine Marine Corps BuCor Extension Facility sa Taguig City noong 2019. Noong Hulyo 27, nakaranas siya ng hirap sa paghinga kaya dinala sa Philippine Marine Naval Hospital kung saan siya na-revive at saka ibinalik sa kanyang selda.
Noong Hulyo 29, dumanas ng stroke si Sy kaya dinala sa NBP Hospital kung saan siya tuluyang nalagutan ng hininga dakong alas-8:00 ng gabi.
Nabatid na nakulong si Sy sa NBP noong Disyembre 14,1999.
Kabilang siya sa tinawag na “Bilibid 19” na tumestigo laban kay Senador Leila de Lima sa mga kaso sa ilegal na droga na kinakaharap ng mambabatas. (RENE CRISOSTOMO)
