DRUG SUSPECT NAPATAY, 3 PA ARESTADO SA PNP-PRO5

NAPATAY ang isang regional level high value target habang tatlo pa ang nadakip sa serye ng anti-narcotics operation na inilunsad ng mga tauhan ni PNP-Police Regional Office 5 Director Jonnel C. Estomo.

Nauwi ang operasyon sa palitan ng putok nang tangkaing tumakas ng suspek na si Ryan Nolasco y Mancera, 36-anyos, residente ng Brgy. Sto. Tomas, Magarao, Camarines Sur, sa ikinasang operasyon ng Regional Police Drug Enforcement Unit 5 (RPDEU5) at Naga City Police Office dakong alas-9:45 ng gabi noong Martes sa Zone 1, Nursery Rd., Brgy. Carolina, Naga City.

Ayon sa report mula sa RPDEU5, naaktuhan ng mga operatiba ang pagbebenta ng suspek sa umaktong poseur buyer ng tinatayang 100 gramo hinihinalang shabu kapalit ang P680,000.
Ngunit habang papalapit ang mga pulis, napansin ng suspek na peke ang perang ibinayad sa kanya kaya agad nitong binunot ang kanyang baril at pinaputukan ang poseur buyer na masuwerteng hindi tinamaan.

Gumanti naman ng putok ang mga awtoridad na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Swak naman sa kulungan ang lalaking taga-bantay ng isang sabungan sa bayan ng Daet, Camarines Norte na kinilalang si Gabriel San Gabriel, 41-anyos, residente ng Purok-3, Barangay III, Daet, Camarines Norte sa ikinasang buy-bust operation ng Camarines Norte Provincial Intelligence Unit (CNPIU) at Paracale MPS.

Nakumpiska mula kay San Gabriel ang walong maliliit na selyadong pakete ng plastic na naglalaman ng umano’y shabu, isang kalibre .45 pistola na may tatak na Colt MK IV Series ’80, isang magasin at anim na bala.

Arestado rin si Dionisio F. Dela Cruz nang makumpiskahan ng ilegal na droga, bala at magasin dakong alas-12:28 ng noong Martes ng madaling araw sa Purok-3, Barangay Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte sa inilunsad na law enforcement operation ng Jose Panganiban MPS at Camarines Norte 2nd Police Mobile Force Company sa bisa ng search warrant.

Nakumpiska mula kay Dela Cruz ang isang magasin para sa kalibre .45 na kargado ng pitong bala; isang plastik na may residue ng puting mala-kristal na sangkap na hinihinalang shabu; isang pirasong water pipe; isang lighter; at isang itim na coin purse na naglalaman ng dalawang piraso ng selyadong plastic na naglalaman ng ilegal na droga.

Samantala, nadiskubre naman ng Jose Panganiban MPS, Camarines Norte Provincial Intelligence Unit (CNPIU), CN 2nd PMFC na ginawang pugad ng ilegal na droga ng isang minero ang sariling tahanan nito.

Sa bisa ng inisyung search warrant ng korte, sinalakay ng mga awtoridad ang bahay ng suspek na kinilalang si Raymundo Balboa Ocaya, 28-anyos, sa Purok-4, Barangay Luklukan Sur, Jose Panganiban, Camarines Norte.

Nagalugad sa tinitirhan nito ang dalawang pakete ng selyadong plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakabalot sa bond paper at nakasilid sa isang backpack.

Ang narekober na ipinagbabawal na gamot ay may timbang na 1.5 gramo at tinatayang P10,200 ang halaga.

Ang imbentaryo at pagmarka sa nakumpiskang mga ebidensya ay nasaksihan ng mga opisyales ng barangay at ng media representative.

Nahaharap ang mga akusado sa kasong paglabag sa Section 11, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

“Saan man ninyo ipilit na isiksik ang mga drogang iyan ay hindi namin kayo titigilan hangga’t hindi kayo tumitigil sa pagbebenta nito. Hindi sapat na rason ang kahirapan upang gawin ninyong dahilan ang pagbebenta nito, maraming marangal at maayos na paraan upang kumita ng pera, pahayag ni P/BGen. Estomo. (JESSE KABEL)

219

Related posts

Leave a Comment