NAIS ng Department of Trade and Industry na luwagan na ang pinaiiral na community quarantine sa Metro Manila at karatig lalawigan upang mapanumbalik ang sigla ng pagnenegosyo at pagkakaroon ng hanapbuhay.
Tinuran ito ni DTI Sec. Ramon Lopez, sa gitna ng malawakang kawalan ng trabaho na maaari pa umanong lumobo.
Base sa survey ng Social Weather Station, umaabot na sa 45.5 percent ng mga adult Filipinos o katumbas ng mahigit sa 23 milyong Pinoy ay walang trabaho dahil sa nararanasang coronavirus pandemic.
Paliwanag ng kalihim, sa pamamagitan ng bahagyang pagluluwag sa ipinatutupad na health protocols ay unti-unting maibabalik ang sigla ng ekonomiya at magkakaroon muli ng pangkabuhayan ang mga hindi makapagtrabaho.
Sinabi ni Lopez na ang mga manggagawa na maayos ang lagay ng kalusugan ay dapat makabalik na sa trabaho.
Tiniyak din ni Lopez na mahigpit na babantayan ang mga kumpanya kung masusunod ng mga ito ang inisyung guidelines ng DOLE at DTI sa pagkakaroon ng health protocols sa mga opisina gaya ng mandatory na pagsusuot ng face mask at face shields at physical distancing.
Samantala, hindi na nagulat ang Malakanyang na may naitalang “record-high” na bilang ng nga Pilipinong walang hanapbuhay lalo pa’t isinara ang ekonomiya bunsod ng coronavirus pandemic.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na maaari pa itong lumala.
Halos kalahati kasi ng mga Filipino adults, o 27.3 million individuals, ay walang hanapbuhay ayon sa national mobile phone survey na ginawa ng Social Weather Stations na noong nakaraang buwan.
Ang 45.5 percent adult joblessness rate ay bagong record-high simula noong 34.4 percent noong March 2012, ayon pa rin sa SWS .
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang resulta ng poll ay mas naging malala pa aniya kung hindi naikasa ang lockdowns sa buong bansa simula noong Marso.
“Ako po’y nagagalak na hindi tayo 100 percent nawalan ng trabaho kasi, sa tagal po na naka-lockdown tayo, talagang I’m still surprised at our resilience at 45 percent pa lang po ang nawawalan ng trabaho,” ayon kay Sec. Roque. (JESSE KABEL/CHRISTIAN DALE)
169 