DU30 ADVISER SABIT SA SEX TRAFFICKING

(FERNAN ANGELES)

KASONG sex trafficking ang isinampa ng Federal Prosecutors Office ng Estados Unidos laban sa kilalang malapit sa Pangulong Rodrigo Duterte na si Pastor Apollo Quiboloy kaugnay ng umano’y pamumuwersang makipagtalik sa mga babaeng miyembro ng kanyang sekta.

Sa 74-pahinang asuntong inihain sa Los Angeles, USA, kinasuhan ang Kingdom of Jesus Christ founder at spiritual adviser ni Duterte na si Quiboloy, kasama ang walo pang opisyal ng kanyang sektang nakabase sa Estados Unidos batay sa testimonyang inilahad nito lamang nakaraang taon ng mga biktimang edad 12 hanggang 25.

Sa salaysay ng mga biktima, pinupwersa umano sila ng nasabing sekta na makipagtalik sa kanilang “banal na lider,” kasabay ng pananakit at pananakot na hindi umano sila tatanggapin sa langit kung hindi tatalima.

Giit pa ng mga tagausig, mistulang sex trafficking operation ang ginagawa ng mga opisyales ng KOJC sa kanilang mga batang kababaihang kapanalig na hinimok sumapi at sumama sa Estados Unidos bilang personal assistant o di naman kaya’y “pastoral staff.” Taliwas naman sa pangakong “trabaho,” nagsilbi umano sila bilang masahista at parausan sa tuwing sila’y matotoka bilang “night duty.”

Kabilang din sa mga inihaing kaso ang umano’y human trafficking bunsod naman ng pagdadala ng kababaihan sa Estados Unidos gamit ang mga palsipikadong visa, sa hangaring makapangilak ang mga ito ng pondo para sa mga proyektong kawang-gawa ng kanilang samahan – bagay na pinasinungalingan din ng mga biktima.
Sa isang pahayag ng US Federal Prosecutors Office, inaresto na rin anila ang tatlo sa siyam na isinangkot sa asunto.
Inaasikaso na rin umano ng US Federal Prosecutors Office ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Pilipinas para sa pagdakip kay Quiboloy at iba pang kinasuhan ng sex trafficking sa Estados Unidos.
Wala pang pahayag ang Palasyo kaugnay ng mandamyento de arestong inilabas sa spiritual adviser ng Pangulo.
Si Quiboloy na kilalang malapit sa Pangulo ay nagpapakilalang may-ari ng buong kalawakan at diumano’y itinalaga mismo ng Diyos. Makailang ulit din nitong iginiit na walang sinomang “makakapasok sa kalangitan kung wala ang kanyang pirma.”

Reaksyon
ng Palasyo

Kaugnay nito, nakiusap ang Malakanyang sa publiko na hintayin na lamang si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na magsalita ukol sa usaping kinasasangkutan ng kanyang spiritual adviser na si Apollo Carreon Quiboloy.
Tugon ito ni Acting Presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles nang tanungin sa virtual press briefing nito kung kamusta na ang relasyon ni Pangulong Duterte at Quiboloy.
Sinabi pa ni Nograles na bagama’t speculative pa ang usapin kay Quiboloy, ang bansang Pilipinas naman aniya ay handang makipagtulungan sa Estados Unidos pagdating sa proseso ng extradition.
“So, we will cooperate.. if magkaroon man ng ganyan whether kung sino man yan… magko-cooperate po ang Pilipinas,” ani Nograles.
Kaya ang pakiusap ni Nograles ay hintayin muna na dumaan sa proseso ang lahat.
Batay sa U.S. Attorney’s Office Central District of California, nitong Biyernes (Huwebes sa USA), kabilang ang mga inakusahan ay sina Quiboloy, Teresita Tolibas Dandan, Helen Panilag, Felina Salinas, Guia Cabactulan, Marissa Duenas, Amanda Estopare, Bettina Padilla Roces, at Maria De Leon.
Naaresto na sina Salinas, Roces at De Leon kahapon.
“The remaining three, including Quiboloy, are believed to be in the Philippines,” nakasaad sa ulat.
Nakatakdang magpakita sa United States District Court sa Los Angeles at Honolulu ang mga naaresto.
Kamakailan ay kinasuhan ng libelo at cyberlibel ni Sen. Manny Pacquiao si Quiboloy matapos akusahan ng huli sa kanyang social media accounts at media outfit ang nauna kaugnay ng maanomalya umanong paggastos sa kaban ng bayan.
Humihingi si Pacquiao ng P100 milyong bayad-pinsala kaugnay nito. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

161

Related posts

Leave a Comment