DUDA NA GINAGAMIT LANG ICI SA DAMAGE CONTROL LUMAKAS

HINDI na nagulat si Caloocan City Rep. Edgar Erice sa biglaang pagbibitiw ni dating DPWH Secretary Rogelio “Babes” Singson mula sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) dahil sa mga pagdududa na gagamitin ito para sa ‘cover-up’.

“I was not surprised, we exchanged text messages. He feels that, why would he allow himself and his family the risk and sacrifice their privacy to solve the problem of Malacañang, family feud and trying to find who stole from government,” ani Erice.

Sa kanilang palitan aniya ng text messages, sinabi umano ni Singson na nagiging punching bag na ang mga ito at maaaring maakusahan pa sila sa ICI bilang washing machine kaya minarapat umano nito na mag-resign na lamang.

Bukod dito, kulang na kulang umano ang kanilang kapangyarihan sa ICI at nangangamba si Singson na babalikan sila ng mga inimbestigahan nilang mga tao na sangkot o isinasangkot sa anomalya sa flood control projects dahil wala silang immunity.

“ICI is now dead, it has no credibility especially ngayon bago nang bago ang naratibo ng Palasyo. Cover up will require a series of cover ups until it explode right in their faces,” ani Erice.

Iginiit naman ni House public accounts chair Rep. Terry Ridon na malaking kawalan ang pag-alis ni Singson at dapat agad palitan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng eksperto sa infrastructure planning, budgeting at implementation.

Ayon naman kay Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña, lalong mababansagan na walang tapang laban sa malalaking politiko, gabinete at kontraktor ang ICI. Iginiit niyang dapat sertipikahan ng Pangulo ang panukalang Independent Commission Against Infrastructure Corruption (ICAIC) na mas may kapangyarihan at mas “independent.”

Si Rep. Leila de Lima ay nagsabing si Singson lamang ang tanging maaasahan at pinagkakatiwalaan sa paglaban sa korupsyon sa DPWH noong panahon ni dating pangulong Noynoy Aquino. “Sayang, siya ang credible.”

Palasyo: Health issue lang!

Sa panig naman ng Malacañang, iginiit ng PCO na stress at edad ang dahilan sa pagbibitiw ni Singson. Ayon kay PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, mabigat ang trabaho at halos araw-araw may meeting at hearing.

“Hindi biro ang trabaho ng ICI,” aniya, sabay sabing wala pang desisyon si Marcos Jr. kung tinatanggap ang resignation. Natawa pa si Castro sa komento na nawalan na ng kredibilidad ang ICI, sabay sabing marami pa namang magaling na natira.

Depensa pa niya, hindi kailangan dagdagan ang kapangyarihan ng ICI. Ang mabagal daw na pagtatanong ay style at respeto, hindi kahinaan. “Hindi po dapat bastos ang pagtatanong. Hindi po iyon ang way to find the truth,” giit niya.

Dagdag pa ni Castro, kaya ayaw umano ng ICI na live-stream noon ay dahil “maraming judgemental.” Panawagan niya sa publiko: “Hayaan niyo silang gawin ang trabaho nila.”

(BERNARD TAGUINOD/CHRISTIAN DALE)

23

Related posts

Leave a Comment