DUMARAMI ANG ARTISTA

PARAMI nang parami ang celebrities na sumasali sa eleksyon, hindi lang sa national kundi lalo na sa local position sa iba’t ibang parte ng mahal kong bayang Pilipinas.

Sabagay, lahat ng mga Filipino na may kakayahang magbasa at magsulat at lehitimong Pinoy puwedeng tumakbo sa eleksyon. Ginarantiya ‘yan ng Saligang Batas.

Pero tuwing panahon ng halalan, dumarami ang mga artista na naeenganyong pumasok sa pulitika at mukhang ngayong panahon ng eleksyon ang pinakamaraming celebrities na papasok sa pulitika. Buti hindi lahat nananalo.

Hindi ko alam kung may kinalaman ba ito sa pagtumal ng entertainment industry dahil sa pandemya ng COVID-19 dahil halos wala nang gumagawa ng pelikula dahil sarado ang mga sinehan.

Wala na silang mapuntahan at kailangan nila ng fall back at ang nakikita nilang oportunidad ay ang pulitika na sigurado ang income hindi tulad sa kanilang industriya na saka lang sila nakakapera kapag may project sila.

Magtrabaho man o hindi ang mga pulitiko, babayaran at babayaran sila dahil naka-budget na ang kanilang sahod, allowances at iba pang benepisyo hindi tulad ng mga karaniwang tao na walang maisusubo kung hindi magtrabaho.

Alam natin na maraming congressman at senador ang nagbubutas ng silya pero tuloy ang sahod nila. Gumawa man sila ng batas o hindi tuloy ang pasok ng biyaya sa kanilang bulsa.

Hindi ko masyado kabisado ang local position na karaniwang puntirya ng mga artista kapag panahon ng halalan pero sigurado ako, marami rin sa kanila ang hindi nagtatrabaho pero tuloy ang suweldo.

Ang lagi nating naririnig sa mga pulitiko, kasama na ang mga celebrity na kuma­kandidato ngayon, gusto nilang tumulong sa mga tao. Weee, hindi nga?! Hindi ba kayo puwedeng tumulong kahit wala kayo sa puwesto?

Kung tutulong kayo sa mga tao gamit ang pondo ng bayan, hindi ‘yan pagtulong dahil hindi ‘yan galing sa sarili n’yong bulsa. Nung sikat kayo at maraming pera, tumulong ba kayo sa mga nangangailangan?

O pumapasok kayo sa pulitika dahil palaos o laos na kayo? Bakit hindi kayo pumasok noong kasikatan n’yo para naipakita n’yo sa mga tao na tinalikuran n’yo ang propesyon n’yo para makapagsilbi sa nakararaming tao?

Kung titingnan n’yo kasi, marami sa mga papasok sa pulitika ngayon ay wala nang project, wala nang income at naniniwalang sikat pa sila na magiging puhunan sa pagpasok sa mundo ng mga pulitiko.

Hindi ba marami sa inyo ang hirap abutin ng masa? Ang aarte niyo kapag may lumalapit sa inyo na magpa-picture sa inyo noong kasikatan n’yo at napapaligiran kayo ng bodyguard pero nang malaos, kayo na mismo ang lalapit sa mga tao? Anong klaseng lohika yan?

Meron nga akong kilalang artista, ang sungit sa totoong buhay kasama ang mga ­dyulalay niya pero sa kanilang vlog, ang babait nila at parang down to earth sila, alam n’yo ‘yun.

Ang hinahangaan kong artista na hindi pumasok sa pulitika at talagang down to earth ay ang yumaong si Eddie Garcia. Minsan pumunta sa Batasan at walang pagod na nakipag-picture sa kanyang fans.

Ang sabi niya kapag wala nang nakikipag-picture sa isang artista, dapat kabahan na siya dahil ibig sabihin nun laos na siya kaya siya ay tuwang-tuwa kapag marami pa ring nakikipag-selfie sa kanya.

206

Related posts

Leave a Comment