DUMARAMI NA NAMAN ANG KRIMEN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

NAKABABAHALA na naman ang pagdami ng mga krimen na pansamantalang nawala noong panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na hindi lamang mga adik ang natatakot kundi maging ang mga kriminal.

Hindi sa pabor ako roon sa tokhang ni Duterte dahil marami sa mga pinatay ng mga ng pulis ay hindi naman nanlaban at may mga napatay silang inosenteng mga biktima na wala namang kinalaman sa ilegal na droga at hindi sangkot sa kriminalidad.

Ngayon ay nagbabalikan na naman ang mga kriminal kaya nagkakaroon na naman ng takot ang ordinaryong mamamayan na lumabas. Kung dati ang mga pulis na tila nagpista noong panahon ng war on drugs, ang kinatatakutan, ngayon ay mga kriminal na ulit.

‘Yung ogag na nangholdap sa pampasaherong jeep sa Commonwealth Avenue, Quezon City na may casualty, ay lubhang nakababahala dahil indikasyon itong lumalakas na naman ang loob ng mga holdaper.

May kumakalat din na video sa social media na may riding in tandem na bigla na lamang binaril ang kasabayan nilang motorista, kinuha nila ang bag at ginamit pa ng isa sa kanila ang motor ng kanilang biktima sa pagtakas.

‘Yung adik sa Cebu na bigla na lamang namaril ng mga taong dumaan sa kanyang kinaroroonan, ay hindi rin dapat sabihing isolated case dahil walang kinatatakutan ang ganitong mga kriminal.

Naging viral din ‘yung dalawang walang magawa sa buhay sa Tondo, Manila na sinasamantala ang trapik para buksan ang mga sasakyang dumaraan at saka aagawin ang bag ng kanilang biktima, buti nahuli na ang isa sa kanila.

Ibig sabihin kahit nasa loob ka ng sariling mong sasakyan ay hindi ka ligtas kaya tumitindi ang trauma ng mga tao habang nasa kalsada para maghanapbuhay at magbayad ng buwis para mabuhay ang gobyerno.

Hindi pa kasama riyan ang mga holdapan, patayan dahil sa personal na away, pagdukot sa Chinese nationals ng kanilang sariling kababayan para ipatubos, pang-aagaw ng motor at pagkarnap sa nirerentahang sasakyan.

‘Yung pinakahuling report na nabasa ko ay ‘yung kaso ng isang babae sa Obando, Bulacan na muntik nang madukot ng isang itim na van habang siya ay naglalakad pauwi mula sa trabaho. Hindi na talaga ligtas ang mga lansangan lalo na kapag gabi.

Kailangan sigurong tutukan ng administrasyon ang pagdami ng mga krimen, hindi lamang sa mauunlad na mga lungsod kundi maging sa lahat ng mga probinsya dahil malaki ang epekto nito, hindi lamang sa kanilang administrasyon kundi maging sa kaligtasan ng mamamayan.

Malaking sampal ito sa administrasyon ni Marcos na bugbog-sarado sa katiwalian, mataas na presyo ng bigas at iba pang produktong pagkain, pagtangging sumailalim sa follicle test at kontrobersyal na 2025 national budget.

4

Related posts

Leave a Comment